5,116 guests

PUP professor nakitang bangkay

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Top Stories
  • Read: 508

NADISKUBRE ang bangkay ng isang PUP professor matapos umalingasaw ang masangsang na amoy sa loob ng kanyang bahay sa Barangay San Antonio, Quezon City kamakalawa ng gabi. Ayon kay SPO1 Marvin Magsaysay, imbestigador ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), ang biktima ay nakilalang si Roxel Aprueba, 57, binata, ng no. 175 West Riverside St., Bgy. San Antonio, QC.

Sabi ni SPO1 Magsaysay, nadiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng kanyang bahay dakong alas-10:30 ng gabi.

Sinasabing natuklasan ang bangkay ng biktima makaraang ipabatid ng isang kapitbahay ng biktima kay Fire Officer Rodel Flores ang tungkol sa masangsang na amoy na nalalanghap nila mula sa bahay nito.

Kasama ni Flores ang mga miyembro ng barangay at pinuntahan nila ang bahay kung saan nila nadiskubre ang walang buhay na biktima sa loob ng bahay nito.
   
Agad din nilang ipinabatid sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang insidente na nagproseso sa crime scene at narekober mula sa bahay ang isang kulay itim na handbag ng Lenovo, at Nokia cellphone, Polo wallet na naglalaman ng P15,000 at dalawang wrist watches -- Seiko 5, G-shock.
   
Inaalam pa ng otoridad ang sanhi ng pagkamatay ng biktima.