5,828 guests

Marcos ang VP ’pag ma-impeach si Leni

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Top Stories
  • Read: 969

SI dating Senador Bongbong Marcos pa rin ang magiging vice-president ng bansa sakaling tuluyan nang ma-impeach si Vice-President Leni Robredo.
   
Ito ang sinabi kahapon ni Senate President Koko Pimentel kasabay ng pagbibigay-diin na binibigyang kapangyarihan ang Presidente na pumili ng hahalili sa matatanggal na pangalawang pangulo sa sinumang miyembro ng Kongreso, hindi malayong maiproklama pa ring bise-presidente si Marcos,
    
Ayon kay Pimentel, hindi dapat mag-react ang sinuman sa pagsasabing posibleng ang nag-protestang si Marcos ang hahalili kay Robredo dahil bilang dating professor sa law, ganito ang kanyang pananaw.
    
Maaari aniyang may italagang Bise-Presidente ang Pangulong Duterte, pero tatanggalin din ito sakaling iproklama naman ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na si Marcos ang tunay na nanalo noong 2016 presidential at vice-presidential elections.
    
Sa sarili niyang teoriya, ayon pa kay Pimentel, walang makakapigil sa proklamasyon ng protesta sakaling ideklara kung sinuman kina Robredo o Marcos ang ideklara.
    
Gayunman, sakaling ma-impeach nang tuluyan at si Robredo pa rin ang tanghaling nanalo sa election protest na inihain ni Marcos, hindi na ito puwede pang maging Bise-Presidente na!
    
Nang tanungin kung interesado ba si Pimentel sa iiwanang puwesto ni Robredo sakaling tuluyan itong ma-impeach, sumagot ang Senate President na kuntento na siya sa kinatatayuan niya sa ngayon.
    
Samantala, naniniwala ito na higit na mapupursigi ang impeachment complaint laban kay Robredo kaysa kay Pangulong Duterte na inihain ni Magdalo Rep. Gary Alejano.
    
“Mathematically yes. Ginising nila ang sleeping giant,” ani Pimentel sa press briefing kahapon.
    
Kung pag-uusapan aniya ang numero, higit na mas marami ang supporters ni Speaker Pantaleon Alvarez na nagsabing siya mismo ang magsasampa ng impeachment complaint laban kay Robredo.
    
Kung sakali, ngayon lamang magkakaroon ng sabay na isusulong na impeachment complaint sa Kongreso na ang nasasangkot ay Pangulo at Bise-Presidente mismo.
    
Dahil sa bilang sa numero, naniniwala si Pimentel na mababalewala ang impeachment kay Duterte samantalang magtutuluy-tuloy ang kay Robredo.
    
“Ginising nila ang sleeping giant na si Speaker Alvarez,” pagsasabi pang muli ni Pimentel.
    
Nakahanda naman ang Senado na maging ‘senator-judge’ kung sinuman ang isasampang impeachment complaint sa Senado.
    
Supreme Court Chief Justice ang magsisilbing ‘presiding officer’ sakaling matuloy ang impeachment case laban kay Duterte, samantalang Senate President naman ang ‘presiding officer’ kung ang pag-impeach naman kay Robredo ang diringgin.