Hotel sinalakay guests ninakawan!
- Written by Jeffrey C. Tiangco
- Published in Top Stories
- Read: 493
BUONG bangis na sumalakay ang apat na armadong lalaki sa Mabuhay Manor Hotel bandang 3:10 a.m. kahapon. Walang nagawa ang guwardiya at isang OFW pati na ang kanyang pamilya kundi mistulang maging alipin sa kanilang mga hiling.
Ninakawan ng mga armadong kawatan ang isang panauhin na overseas Filipino worker at ang kanyang pamilya ng P400,000 cash at mahahalagang bagay.
Sinabi ni Rudy De Guzman, night auditor ng Mabuhay Manor Hotel, na umatake ang mga suspek bandang 3:19 a.m. at ninakawan ang hotel sa No. 2933 sa kanto ng FB Harrison at Ortigas Streets sa Pasay City.
Inilarawan ni De Guzman na ang mga suspek ay may mga edad sa pagitan ng 30 hanggang 40 taong gulang. Ang tatlo ay nakasuot ng mask, itim na T-shirt, maong pants habang ang ika-apat ay nakasuot ng short pants.
Sinabi ni Supt. Gene Lucid, deputy chief of police for operation of Pasay City police, na nakita sa CCTV footage ang mga suspek na pumasok sa hotel compound at tinutukan ng baril at kinaladkad sa hotel lobby ang nagiisang security guard na kinilalang si Jhon-an Jabagat.
Nang nasa loob na ng hotel lobby ay tinutukan ng mga suspek ang isang overseas Filipino worker hotel guest na kinilalang si Dominador Castro at ang kanyang pamilya ,kinuha ang $15,800 cash, isang Rolex wrist watch na nagkakahalaga ng $13,000, mga gadgets na nagkakahalaga ng $7.000 at iba-ibang mga alahas na nagkakahalaga ng $29,950.
Tinangay din ng mga suspek ang P33,000 cash na kinita ng hotel sa araw na iyon saka sila tumakas sakay ng isang itim na Hyundai Starex patungo sa Roxas Boulevard.
Sinabi ni Lucid na si Castro at ang pamilya nito ay magtse-check out na sana nang umatake ang mga suspek.
Idinagdag niya na tinitignan ng pulisya ang angulo na posibleng inside job at ipinabatid ito sa mga suspek.