7,786

‘Bili kita ng popcorn, pero akin ka’

  • Written by People's Tonight
  • Published in Top Stories
  • Read: 369

‘IBIBILI kita ng popcorn, pero sumama ka sa akin.’ Gamit ang linyang ito ay nakumbinsi umano ng isang lalaking may asawa na sumama sa kanya ang 5-taong gulang na batang babae sa Malabon City.

Inaresto ng pulisya ang suspek matapos nito umanong tangayin ang batang biktima noong Biyernes ng gabi sa Malabon City.

Arestado ng Malabon Police Community Precinct (PCP) 4 si Kenneth Gabriel, 33, ng 45 Rivera St. Bgy. Tinajeros habang kasama ang biktima bandang 8:30 p.m. sa kanto ng M.H. Del Pilar at Cobra St. Bgy. Tugatog.

Sinabi ni PO2 Mary Jane Belza, ng Malabon Police Women and Children’s Protection Desk (WCPD), na ang biktima ay naglalaro kasama ang kanyang pinsang si Rain Turalba at Cyra Dumangas sa loob ng Diwa Sports Complex sa Bgy. Tugatog nang lapitan ni Gabriel ang tatlo at sinabi sa kanila na bibili siya ng popcorn para sa kanila.

Nasiyahan ang mga bata na naging dahilan para yayain ng suspek ang biktima na sumama sa kanya para bumili ng popcorn at pumayag ang biktima.

Nang ang suspek at ang biktima ay ’di na nakabalik, nagduda si Rain na ang kanyang pinsan kinidnap at nagsumbong sa kanilang lola na si Lolita Cardona-Marquez.

Kaagad humingi ng tulong ang lola kay PO1 Jesus Kristoffer Mercado at PO1 Ramon Dalo ng PCP-4 na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Sinabi ni Malabon police chief Senior Supt. John Chua na naghahanda na ang mga investigator na magharap ng kasong “forcible abduction” laban sa suspek sa Malabon City Prosecutors Office.