5,918

Alan: PH dehado kay Trillanes

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Top Stories
  • Read: 311
Featured Alan Cayetano Alan Cayetano

IGINIIT kahapon ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano na kung si Senador Antonio Trillanes IV ang magiging negosyador ulit sa planong “Joint Exploration and Development” sa West Philippine Sea ay madedehado ang sambayanan Pilipinas.

Ito ang inihayag ni Cayetano sa kanyang Facebook post. Sinabi ng kalihim na noong pinagkatiwalaan ni dating Pangulong Noynoy Aquino si Trillanes bilang negosyador ay nagresulta ito ng pagkawala ng kontrol ng Pilipinas sa Scarborough Shoal o Panatag Shoal.

Sinabi ni Trillanes sa isang panayam sa telebisyon na patuloy na mangingibabaw ang China sa pinpinaplanong “Joint Exploration at Development” project sa West Philippine Sea dahil umano walang kapasidad lalo na sa teknolohiya ang mga Pilipino na makilahok sa naturang proyekto.

Tiniyak ni Cayetano sa taumbayan na hindi papayag si Pangulong Rodrigo Duterte sa anumang kasunduang hindi patas at hindi pabor sa sambayanang Pilipino.

Malinaw aniya ang utos ng Pangulong Duterte na protektahan at pangalagaan ang bawat sulok ng teritoryo ng bansa at mapakinabangan ng bawat Pilipino ang ating “sovereign economic rights.”

“Habang patuloy ang iyong pagsisinungaling, at pananabotahe sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon, patuloy naman kaming magsasabi ng katotohanan at magtatrabaho para magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga Pilipino” hirit ni Cayetano sa pahayag niya sa kanyang social media account patungkol kay Trillanes.