Worker itinurong pumatay sa stepdaughter, timbog

Nahaharap sa kasong murder ang isang 24-anyos na construction worker matapos na ituro ng isang testigo na siya ang huling kasama ng kanyang 9-anyos na stepdaughter na natagpuang patay at nakabaon sa tambak ng basura sa Bgy. Payatas, Quezon City, nabatid kahapon.

Nakapiit na sa Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na si Mark Christian Cayetano, 24, ng 23 Luzon St., Bgy. Payatas B, matapos na ituro siyang posibleng pumatay sa biktimang si Michaella Bernardino, Grade 4 student, ng 78 Visayas St., Phase 4, Lupang Pangako, Bgy. Payatas B.

Batay sa ulat mula sa tanggapan ni Supt. Joel Villanueva, ng QCPD-Station 6, 9:30 a.m. kamakalawa nang madiskubre ang bangkay ng biktima sa tambak ng mga basura, sa isang bakanteng lote sa Phase 3, Block 7, Lupang Pangako, Payatas B.

Iihi umano sana sa lugar ang 12-anyos na si Jasmin Saguno, isang out-of-school youth, na residente ng naturang lugar, nang mapuna na may bahagi ng katawan ng tao, na tina-bunan ng mga bato sa lugar.

Kaagad namang kumaripas ng takbo si Saguno at isinumbong sa kanilang purok leader at sa PCP-5 ang insidente.

Sa imbestigasyon ng pulisya, nakitang natabunan ng mga bato ang bangkay ng biktima, na nilalangaw na nang ma-tagpuan.

Nakabigti ang leeg ng biktima ng isang belt strap na may habang dalawang talampakan at anim na pulgada at basag rin ang mukha nito.

Nakilala lamang umano ng ina ang bangkay ng anak dahil sa suot nitong damit.

Nabatid na noong Linggo pa iniulat na nawawala ang biktima.

Kaagad namang dina-kip ng mga awtoridad si Cayetano matapos na ituro ng isang testigo na umano’y huli niyang nakitang kasama ng biktima bago ito iniulat na nawawala.

Ayon sa testigo, nakita niya ang suspek na karga ang umiiyak na biktima sa mismong araw na naiulat ang kanyang pagkawala.

Iniimbestigahan pa naman ng mga awtoridad kung ano ang posibleng motibo ng suspek sa pagpatay.