Shabu trade walang tigil sa Dasma

September 14, 2018

KAMPO Hen. Pantaleon Garcia, Imus City, Cavite -- Walang tigil ang kalakalan ng iligal na droga sa Bgy. Datu Esmael, Dasmariñas City, kung kaya’t ang lugar na ito ay tinaguriang sentro ng mga iligal na gawain sa buong lalawigan.

Sa ulat ng pulisya, nadakip nila ang isang nagngangalang Aboamen Haji Samad, 26, sa buy-bust operation na ikinasa alas-2:30 ng hapon sa Excess Lot ng naturang lugar at nakuha ang 155 gramong shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1.054 milyon.

Sa talaan ng iligal na droga sa buong lalawigan ng Cavite, ang Dasmariñas City ang siyang nanguna na pinangalawahan ng Bacoor at sinundan naman ng Imus, batay na rin sa ipinapa-dalang ulat sa araw-araw na operasyon laban sa iligal na droga sa buong lalawigan.

Samantala, isa pang operasyon kontra shabu ang nagbunga ng pagkakaaresto ng apat sa limang suspek na sina Jonathan Rubia, alyas ‘Joana’, 42, ng Sitio Pook, Bgy. Paliparan 3, Dasma; Reden Herrera, 34, ng Silang, Cavite; Mark Bautista, alyas ‘MacMac’, 31, ng Bgy. Bulihan, Silang, at Mark Baluya, 25, ng Bgy. Delas Alas, GMA, kung saan nahulihan ang mga nabanggit na suspek ng 13 sachet ng shabu. Isang nagngangalang ‘Eddie’ na siya umanong pinuno ng grupo ang nagawang makatakas.

Tagged Under