Pusher utas, 12 huli sa Laguna

October 10, 2018

KAMPO Hen. Paciano Rizal, Sta. Cruz, Laguna -- Patay ang isang drug pusher sa Cabuyao City at isang dosenang drug pushers naman ang nahuli ng mga operatiba noong Martes.

Kinilala ni Senior Supt. Kirby John Brion Kraft, provincial police director, sa kanyang ulat kay Calabarzon police director Chief Supt. Edward Carranza ang napatay na pusher na si Rodrigo Rio.

Ayon pa sa ulat ni Cabuyao PNP chief Supt. Arvin Avelino, ang suspek ay nakumbinsi nilang magbenta ng shabu sa loob ng Milwood Subd., Bgy. Pulo, alas-dos ng madaling araw ngunit nanlaban umano ito gamit ang isang revolver kung kaya’t napilitan ang mga pulis na gantihan ng putok at napatay ito.

Ang suspek, ayon kay Senior Supt. Kraft, ay dating detainee sa Sta. Rosa City PNP jail sa kasong theft at robbery ngunit ito ay nakalaya at nagbentang muli ng shabu.

Walong pakete na naglalaman ng shabu at isang cal. .38 revolver ang nabawi ng mga pulis at ng PDEA4A sa suspek.

Samantala, isang dosena’ namang mga nagbebenta ng shabu sa una at ikalawang distrito ng Laguna ang nadakip ng mga pulis at PDEA noong Martes.

Kinilala ni Senior Supt. Kraft ang mga nadakip na sina Narciso Amatorio, 40, ng Purok 6, Bgy. Malaban; Alvin Garcia, 42, ng Bgy. Casile, at Luis Eba, ng Purok 6, Bgy. Malaban, Biñan City, na nakuhanan ng ilang gramo ng shabu ng mga pulis alas-3 ng hapon.

Sa San Pedro City, ayon pa kay Sernior Supt. Kraft, nadakip naman ang ‘matinik’ na pusher na si Wilbert Aquino, alyas ‘Bisaya’ ng Sitio Bayanbayanan, Bgy. San Vicente, alas-11 ng gabi sa pangunguna ni Insp. Nonelon L. Sabigan, kasama ang taga PDEA4A.

Sa Santa Rosa City naman, sa loob ng South Ville-4, Bgy. Pooc, nahuli sina Jerome Deñado Rendon, alyas ‘Tomas, 30; Jerome Tantiado Libardo, 19, ng South Ville-4; at Julius Bermeo Biñas, 31, ng naturan ding lugar na gustong magbenta ng shabu ngunit na ‘wow mali’ sila dahil mga pulis ang kanilang napagdiskita-hang bentahan alas-2:30 ng madaling araw.

‘Sa Sta. Rosa sa Bgy. Balibago sa loob ng Metroville Subd. ay nadakip sina Christian de Castro delos Reyes alyas ‘Ogie’ / ‘Blonde’, 21 at Danicel Ocampo Antona, 20, na kapwa nasa pagmamatyag ng mga operatiba sa iligal na droga.

Tatlo naman ang nalambat sibat ng mga pulis ng Calamba City at nakilalang sina Albert Calatin, 35, alyas ‘Totie’; edilberto Calatin, 30, at Nelson Lira, 39, lahat ng Bgy. San Jose, na nakunan ng pitong sachets ng shabu.

Ang mga suspek ay sinampahan ng paglabag sa Republic Act 9165 ng mga pulis na nakahuli sa kanila.

With Gil Aman