Pulis, gangster, pusher patay, 7 timbog sa Laguna police

October 05, 2018

PATAY sa magkakahiwalay na operasyon ng mga kagawad ng Laguna police ang isang miyembro ng “Bonet Gang” at isang notorious drug pusher at hindi pa nakikilalang holdaper habang pito pang iba ang magkakasunod na naaresto kahapon ng madaling araw.

Sa ulat ni Laguna  police director Senior Supt. Kirby John Kraft kay Calabarzon police director Chief Supt. Edward Carranza, kinilala ang mga nasawi na sina Michael Karikitan, miyembro ng “Bonet Gang”, ng Railway Pavillion, Bgy. San Antonio, Biñan City; Mark Lorence Magno, alias “Botchok”, high-value target ng Biñan police at isang hindi pa nakikilalang holdaper ng Sta. Rosa City.  

Sinasabing papatakas si Karikitan matapos magawa nitong manlaban habang aktong nagsasagawa ng buy-bust operation si Binan City chief of police Supt. Ronan Claravall at kanyang mga tauhan alas-3:50 ng madaling araw. Pito sa mga kasamahan ni Karikitan na sina Noelito Espectacion, 27, Cresendo Samson, 30, Ian Delgado, 26, Jerome Cabatbat, 20, Romano Balderan, 30, Erick Carta, 28, at isang Jeffrey Cula, 29, ang magkakasunod na naaresto habang aktong sumisinghot ng shabu, ayon sa pulisya.

Bukod sa kinaaanibang Bonet Gang ng grupo, napapabilang din ang mga ito sa Cris Tenedo Group at nasa drug watchlist ng pulisya.

Narekober kay Karikitan ang isang cal. .45 na baril at mga bala, dalawang plastic sachet ng shabu habang ang kanyang mga kasamahan ay nakuhanan ng walong plastic sachet na umaabot sa halagang P20,000 at mga drug paraphaernalia.

Samantala, nasawi ang itinuturong notoryus na drug pusher na si Magno habang aktong ikinakasa ni Cabuyao City Chief Supt. Arvin Avelino at kanyang mga tauhan ang buy-bust operation gamit ang halagang P125,000 boodle money sa bahagi ng Bgy. Butong alas-3 ng madaling araw na nauwi sa eng-kwentro. Matagal na umanong target ng mga ito ang suspek kaugnay ng patuloy na pagbebenta nito ng malaking halaga ng shabu sa una at ikalawang distrito ng Laguna na umaabot sa P500,000 kada araw gamit ang kanyang minamanehong Yamaha Mio motorcycle.

Narekober ng pulisya sa suspek ang kalibre .38 na baril, 11 medium plastic sachets ng shabu, buy- bust boodle money at motorsiklo.

Kaugnay nito, napatay naman ng mga kagawad ng Sta. Rosa City PNP sa isinagawang follow-up operation na nauwi din sa engkwentro ang hindi pa nakikilalang holdaper samantalang nakatakas ang mga kasamahan nang holdapin si Crizelda Llagas sa NIA Road, Bgy. Balibago, ala-1:50 ng madaling araw.

Narekober ng pulisya sa napatay na holdaper ang sinasakyan nitong Motorstar na tricycle, kalibre .38 na baril, tinangay na mamahaling cellfone at iba pang personal na kagamitan ng biktima.