Pastor kalaboso sa malaswang larawan

October 10, 2018

BAGUIO City -- Kalaboso ang isang pastor dahil sa malalaswang larawan nang ireklamo ng isang 13-anyos na si Nena (hindi tunay na pangalan) noong Martes bandang 11 p.m. sa Baguio City Police Office (BCPO) Station 5.

Ang pastor ay kinilalang si Ruel Joson, 29, stay-in sa Blessed Gospel Global Ministry, Upper QM.

Ang insidente ay nangyari sa pagitan ng unang Linggo ng Setyembre at Oktubre 4, 2018 sa 88 Jasmine Street, Lower QM.

Ayon sa reklamo ng menor de edad, sila ay isang taon nang magkaibigan sa Facebook at ang suspek ay kanilang youth pastor sa kanilang simbahan. Lagi silang nag-uusap sa Messenger hanggang sumapit ang Agosto, sinabihan siya ng suspek na kunan niya ng litrato sa maselang parte ng kanyang katawan at ipa-dala sa Messenger.

Tumanggi ang biktima at nagpatuloy ang kanilang mensahe at hindi nagsawa ang suspek sa kakapilit na magpadala sa sinasabing larawan.

Hanggang mapilitan ang biktima na magpadala ng larawan noong unang Linggo ng Setyembre na kinunan niya sa kanyang kuwarto bandang 9 p.m. at ipinadala sa account ng suspek na kung saan ay nagpadala rin ng larawan ng maselang bahagi ng katawan ang suspek sa account ng biktima.

Napansin ng nanay ang ikinikilos ng anak hanggang sa naisipang buksan ang Messenger ng anak at nagulat siya nang mabasa ang pag-uusap at makita ang mga malalaswang larawan sa account ng kanyang menor de edad na anak.

Agad ipinaalam ng ina ng biktima sa kanilang pastor ng simbahan at kinompronta ang suspek na pastor at inamin naman nito ang nakitang mga mensahe sa Messenger ng anak.

Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa suspek.