‘Multo nagpanggap na pasahero’

October 16, 2018

‘NAKAYUKO ang babaeng pasahero na natirang kasama ko sa jeep. Mahaba ang kanyang buhok. At habang pinagmamasdan ko siya ay may kilabot na gumapang sa aking buong katawan. Naramdamang kong parang may hindi tama. Na parang may kasama akong kampon ng kadiliman.”

Ito ang kahindik-hindik na karanasan ng isang OJT ng People’s Tonight nang may nakasakay siyang multo sa pampasaherong jeepney papuntang Laguna.

Doon niya napag-alaman na kahit gaano na ka-moderno ang panahon, may mga kababalaghan pa ring hindi maipaliwanag ng teknolohiya at siyensiya.

Narito ang kaniyang kuwento.

“Bandang Setyembre 2017 nang mangyari ito.

Papauwi ako ng probinsya at inabot ako ng 11 p.m. sa byahe.

Wala ng tao ng ganitong oras. Dahil walang ilaw ang mga kalsada sa amin, kaya’t nag-iingat ang mga tao.
Tatatlo na lamang kaming pasahero ng jeep na sinsakyan ko.

Huling barangay pa ang babaan ko at madilim ang mga daanan sa aming probinsya sa Laguna.

May isang lugar sa amin na talagang pinangingilabutan ang lahat ng dumaraan. Halos lahat ng jeep ay nagbubukas ng ilaw sa parteng iyon.

Napansin ko ring laging tinatanggal ang mga karatula sa bahaging iyon ng bayan, at bumibilis ang pagmamaneho ng mga tsuper.

Bumaba na ang isa sa mga pasahero at dalawa na lang kaming sakay.

Hindi man lang tumitingin ang kasama kong pasahero. Naka pantaloon at simpleng t-shirt lamang ito. Wala rin itong dala. Hindi ko na lang siya pinansin dahil kadalasan naman akong naka-headset pag bumibyahe sa gabi.

Paglagpas sa madilim na lugar ay pumara na ang kasabay ko ngunit hindi pa rin humihinto ang jeep. Tinulungan ko ang babae at sinabi ko sat super, “Kuya, para daw.”

Tumingin lang sa akin ang tsuper dire-diretso pa rin ito. Nang makalagpas na kami ay sinabihan ako ni manong ng ”Ate, wala ka namang kasabay, kanina pa bumaba ang kasama mong pasahero.”

Kasunod nito ay nagkuwento na ang tsuper na kadalasan daw na may nakikisabay na ligaw na kaluluwa sa parteng iyon ng bayan. Ito ang kaya’t madalas ay tinatanggal din nila ang mga sign board para walang makisakay na multo.

Nangilabot ang buong katawan ko sa ikinuwento ni manong pero malayo pa ang bababaan ko kaya’t tinatagan ko ang loob ko hanggang makarating sa paroroonan sinantabi ko muna ang takot ko.

Pero hindi pa rin mabatid ang takot ko sa tuwing dadaan sa parteng iyon ng bayan at baka makasakay ko na naman ang pasaherong hindi nakikita ng iba.

Ni Airra Muster (OJT)