Lalaki nagulungan ng bus, napisat

November 06, 2018

Napisat ang mukha  at ang ulo ng isang lalaking naka-motor matapos magulungan ng pampasaherong Hyundai Aero  Space Bus sa Maharlika Highway sa Bgy. San Rafael, San Pablo City, Laguna, kahapon ng umaga.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktimang kinilala ng pulisya na si Nelson Rigay, nasa hustong gulang, ng Purok 3, Poblacion, Alaminos, Laguna.

Sa imbestigasyon ni SPO1 Romeo Alejandro, may hawak ng kaso, sakay ng Yamaha Mio motorcycle ang biktima dakong alas-8:30 ng umaga ng biglang dumulas ang gulong dahil sa basang kalsada at bumagsak ito.

Samantala, ang Aero Space Bus (ZJG-141) na minamaneho ni Mario Escorrel, ng Camarin, Caloocan City, na sinusundan ang sasakyan ng biktima, ay hindi na nagawang makapagpreno at nagulungan ang natumbang motor at ang biktima.

Ayon kay SPO1 Alejandro, ang motorsiklo na patungo sa bayan ng Alaminos na may pinamiling karne ng baboy ay nagkalat sa highway.

Matapos ang aksidente ay mabilis tumakas ang driver ng bus subalit sumuko rin ito sa pulisya makalipas ang  ilang oras. Nahaharap ito sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at kasalukuyang nakapiit sa San Pablo City jail.