Binata binaril sa ulo, dedo

September 16, 2018

PATAY ang isang binata makaraang barilin sa ulo nang  dalawang beses ng hindi kilalang armadong suspek sa loob ng kanyang inuupahang apartment sa Zona 3, Ilaya, Bgy. Malaban, Binan City, Laguna, nuong Biyernes.

Kinilala ni Supt. Ronan Claravall, hepe ng Biñan City police ang biktima na si Daniel Senining, nasa hustong gulang at kasalukuyang naninirahan sa naturang lugar.

Halos sariwa pa ang dugong umaagos sa kanyang ulo ng madiskubre ni Janille Sineneng, 28, sales lady at hipag ng biktima ang wala ng buhay na katawan nito.

Sa inisyal na imbestigasyon dakong alas 7:30 ng umaga kamakalawa nagtungo ang hipag nito sa inuupahang apartment subalit bumungad sa kanya ang duguang ulo na may tama ng bala habang nakahandusay sa sahig.

Samantala, nanatili namang hindi pa kilala ang suspek na tumakas gamit ang isang 9mm na baril ngunit naiwan ang dalawang basyo ng bala sa loob ng apartment.

Isasailalim pa ng pamunuan ng Scene of Crime Operatives ang imbestigasyon hinggil  sa nakuhang basyo ng bala.