Aurora Board Member, warden nagtalo sa ‘katiwalian’ sa Prov’l Jail

November 04, 2018

BALER, Aurora -- Muntik nang magkainitan sa pagpapalitan ng paliwanag sina Board Member Jojo Alipio ng 2nd district ng Aurora at OIC Provincial Warden Amado de Luna sa isyu ng diumano’y katiwalian sa loob ng Aurora Provincial Jail nitong nakaraang araw.

Sa pagharap ni De Luna sa question hour ng plenaryo ng Sangguniang Panlalawigan, isa-isang sinagot nito ang pitong alegasyon sa loob ng piitan na nag-uugnay sa isang liham na diumano’y pirmado ng may 65 inmates.

Isa sa pangunahing issue ay ang nawawalang pera sa koleksyon ng conjugal room na kaagad namang ipinaliwanag ni De luna na mga bilanggo ang humahawak ng pera kaya hindi niya alam kung saan ito napunta.

Ipinaliwanag din ni De Luna na commercial rice ang kanilang binibili na pinapakain sa mga inmates at mali ang sumbong na may amoy ang sinasaing na bigas.

Sinabi pa ni De Luna na ang P40 na allowance ng mga bilanggo para sa pagkain ay maliit sa nga-yon. Inamin din nito na matagal nang panahon na nag-request ang pamunuan ng provincial na itaas ang allowance ng mga inmates para sa pagkain subalit hanggang sa ngayon ay wala pa ring aksyon.

Ayon kay de Luna, ang tindahan ng mga guwardiya sa loob ng provincial jail na nasa ilalim ng binuong kooperatiba ay itinaguyod para hindi na bumili sa labas ang mga preso. Sadyang tinaasan din aniya ang presyo ng sigarilyo sa loob ng kanilang tindahan para daw hindi na bumili at manigarilyo pa ang mga preso.

Ipinagbawal din aniya ang pagpasok ng sigarilyo sa loob ng piitan dahil dito umano isinisingit ang mga ipinapasok na droga sa loob ng kulungan noong kasagsagan ng isyu ng mga nagdodroga sa loob ng provincial jail.

Magsasagawa rin ng imbestigasyon si De Luna  hinggil sa mga inmate na inilalabas ng jailguard at pinapainom ng alak, sinabi ni De Luna na posibleng nangyayari ito kapag wala siya sa duty.

Sinabi ni Alipio na hindi siya kunbinsido sa mga paliwanag ni De Luna na bagay na nagkaroon ng mainitan pagtatalo na mabilis namang sinuspinde ang session.

Pinangaralan naman ni acting Vice Gov. Christian Noveras si De Luna na dahan-dahan sa pagsasalita ng masamang bagay dahil ito’y nasa loob ng plenary at walang karapatan magtanong na bagay na kinagalit ni Alipio.