Army’s 91st IB sa NPA: Lasapin amnesty offer ng gobyerno

October 07, 2018

BALER, Aurora -- Muling nanawagan ang pamunuan ng Army 91st Infantry “Sinagtala” Battalion dito sa mga rebeldeng New People’s Army na magbalik-loob na sa pamahalaan upang lasapin ang programang pang-amnestiya na inaalok ng pamahalaan.

Ayon kay Lt. Col. Jose Mari Torrenueva, 91st IB commander, mas maraming benepisyo ang maaaring makamit ng mga rebel returnees sa panahong ito dahil sa pinaiiral na Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP).

Nakapaloob sa ECLIP ang  tulong puhunan, scholarship, pabahay at iba pang ayuda para sa pagbabagong buhay at tuluyan ng talikuran ng mga dating rebelde ang masalimuot na buhay sa loob ng kilusan.

Niliwanag din ng battalion commander na ang Aurora ay nasa ilalim pa rin ng insurgency-free na bagamat may panyayaring naganap na encounter noong nakaraang September sa bayan ng Maria Aurora na kung saan dalawang rebelde ang napatay, ito’y isang insidente lang na napadaan ang mga NPA.

Sa ngayon aniya ay nakatuon sa boluntaryong pagtulong sa komunidad ang mga kasundaluhan sa lalawigan tulad ng disaster response at iba pang mga gawain sa mga barangay na makakatulong ang mga sundalo.

Sa nakalipas na pananalasa ng Typhoon Ompong, ang 91st IB ang unang nakapagdokumento ng pinsala ni Ompong lalo na sa hilagang Aurora na siyang naapektuhan ng naturang bagyo.

Sila din ang nanguna sa clearing operation ng mga nabuwal na punongkahoy na humambalang sa gitna ng kalsada.