6,338 guests

Bakit naniningil pa ng CI, ECRS, at PCS?

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion

WALA ng port congestion sa Maynila.

Ito ay ayon mismo kay Secretary Rene Almendras, na mukhang napaikutan na naman ng ilang opisyal ng gobyerno at Philippine Ports Authority (PPA).
   
Sec. Almendras, matagal pa ang mahal na araw pero kalbaryo pa rin ang inaabot ng mga importer at broker sa aduana.
   
Sa totoo lang, maraming krus ang pasan nila hanggang ngayon dulot ng port congestion sa Maynila.
   
Ito ay ang mga binabayaran nila sa  shipping lines na Container Imbalance (CI), Emergency Cost Recovery Surcharge (ECRS) at Port Congestion Surcharge. 
   
Bawat de-beinte na container van ay nagkakaroon ng karagdagang bayarin na P20,000 at P40,000 naman sa de-kuwarenta.
   
Ang sinasabing dahilan ng paniningil ng mga shipping line ng CI, ECRS at PCS ay upang makabawi sa pagkaantala ng kanilang mga barko sa ating mga puwerto. Kapag kasi dumating sa bansa ang kanilang barko, inaabot pa sa laot ng limang araw o higit pa bago makadikit sa pantalan at makapagdiskarga.
   
Kaya nga marami na ang humihiling na imbestigahan na ang diumano’y sabwatan ng PPA at shipping lines.
   
Gusto nilang malaman kung bakit napuno ng overstaying empty containers ang POM at MICP.
   
Bakit pinayagan ng PPA ang  shipping lines na gawing bodega ang mga pantalan. Sa ano at magkanong dahilan kaya?
   
Matatandaan na lalo pang lumala ang pagsisikip ng mga kargamento sa aduana noong nakaraang taon nang ipatupad ng syudad ng Maynila ang truck ban.
   
Dahil sa truck ban, umapaw nang husto ang mga kargamento sa mga puwerto ng Maynila.
   
Dito napilitan ang gobyerno na atasan ang  shipping lines na gamitin ang Port of Subic sa Zambales at Port of Batangas para huwag nang lumala ang pagsisikip ng kargamento sa mga POM at MICP.
   
Pero hindi ito pinansin ng mga importer dahil sa lalong malaking dagdag gastos.
   
Mabuti na lamang at sa kalaunan ay ni-lift din ng syudad ng Maynila ang truck ban.
   
Ngayon Sec. Almendras, kung talagang wala ng port congestion sa Maynila, pakibusisi naman kung bakit naniningil pa ng CI, ECRS at PCI ang shipping lines sa mga importer. 
   
Huwag na nating pahirapan pa ang mga taong nagbibigay ng pera sa gobyerno.
   
Hindi natin mahihikayat ang mga negosyante na dagdagan ang kanilang importasyon kung sila’y patuloy na pinahihirapan.
   
Huwag nating kalimutan na kung walang importasyon, wala rin tayong papatawan ng buwis.
   
Abangan!

* * *   

Kagaya ng marami nating kababayan, hangad natin na magkaroon na ng tunay na kapayapaan sa Mindanao.
   
Marami na ang nagbuwis ng buhay sa nasabing rehiyon.
   
Kaya nga panahon na para tuldukan ang mga karahasang nangyayari sa iba’t ibang parte ng Mindanao.
   
Walang dahilan para tayo’y magpatayan.
   
Mahalaga ang isinusulong na peace process pero hindi ibig sabihin nito ay oo na lang tayo nang oo sa sinasabi ng gobyerno.
   
Kagaya na lang ng Bangsamoro Basic Law (BBL) na nakabinbin sa Kongreso.
   
Hindi naman puwedeng basta na lang ipasa ito ng mga senador at kongresista dahil ito ang gusto ng Malakanyang.
   
Ang paggawa ng batas ay trabaho ng lehislatura at hindi ng ehekutibo at hudikatura.
   
Huwag nating turuan o i-pressure ang mga mambabatas dahil alam nila ang kanilang ginagawa.
   
Siguro ayaw naman ng hudikatura at ehekutibo na makialam ang lehislatura sa kanilang mga trabaho.
   
Ika nga, “distansiya, amigo.”
   
Pagkatapos ng Mamasapano encounter, kailangang himaying mabuti ang nilalaman ng BBL.
   
Ngayon ngang wala pang BBL ay hindi basta makapasok sa teritoryo ng MILF ang mga tropa ng gobyerno.
   
Pag-aralang mabuti ang mga nilalaman ng BBL dahil baka mas malaking problema ang bumulaga sa atin kapag naging ganap na batas na ang BBL.
   
Isa pa, puwede namang mabuhay nang tahimik ang Muslim at Kristiyano at masaya sa iisang lugar.
   
Makikita ito sa maraming lugar sa Luzon.
   
Marami ng Muslim communities sa lahat yata ng probinsiya.

* * *

(Para sa inyong mga komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa # +63 927 962 8822 email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Leave a comment

Make sure you enter the (*) required information where indicated. HTML code is not allowed.