5-anyos nilamon ng balon

October 15, 2018

PATAY na ang 5-anyos na batang babae nang matagpuang nakalutang sa “mahiwagang” balon sa Bgy. Pansol, Pila, Laguna, kamakalawa.

Kinilala ng Pila police ang nasawi na si Janesa Pillas, kindergarten pupil, na natagpuang nakalutang dakong alas-3 ng hapon ng kapatid nitong lalaki.

Ayon kay Barangay Chairman Danny Lapugot, matapos matagpuan sa “mahiwagang balon” ay agad namang nilapatan ng lunas ang biktima ng kanyang pamilya at mga residente sa lugar subalit hindi na naisalba dahil sa marami na itong nainom na tubig.

Ayon sa pahayag ng ina ng biktima na si Ranesa sa pulisya, galing ang bata sa kanyang Lola Auring subalit dahil sa takot, ito’y dumaan sa malapit sa balon at nahulog.

Base naman sa paha-yag ng kanilang kapitbahay na nagmamay-ari ng lupa na si Teresita Ponce, nagpaalam ito sa ina na hahanapin ang dalawa ni-yang kapatid at pupunta ito sa kanyang bahay para humingi sa kanya ng tinapay pero hindi naman dumating ang mga bata.

Posible umanong may humatak sa bata sa loob ng balon.

Ang balon, ayon kay Kapitan Lapugot, ay ma-tagal nang pinagkukunan ng tubig. Nagsisilbi din itong paliguan ng mga residente.

Halos kalahating oras na nawala ang bata bago natuklasan ng kanyang kapatid na lalaki na nakalutang ito sa balon.

Hinala ng pulisya, posibleng nadulas sa gilid bago nahulog sa balon ang biktima habang naglalakad patungo sa kanilang kapitbahay.

Samantala, nananatiling palaisipan sa pamilya ng biktima ang insidente  dahil sa isang iglap ay agad nalunod ang biktima at mabilisang lumutang sa nasabing balon.