3,551 na ang drug surrenderers sa Aurora

October 02, 2018

BALER, Aurora -- Umabot na sa 3,551 drug personalities sa lalawigan ng Aurora ang boluntaryong sumuko simula nang magbalik ang Oplan Tokhang na isang programa na isinusulong ng administrasyong Duterte kontra iligal na droga.

Sa report ng Aurora Police Provincial Office, nasa 57 drug personalities naman ang natimbog habang nasa 3.9 na gramo ng shabu at mahigit walong gramo ng marijuana ang nakumpiska mula sa 50 drug operations na inilunsad ng pulisya.

Sinabi ni provincial police director Senior Supt. Jonas Amparo  na tanging mga bayan ng Baler, San Luis at Maria Aurora lamang ang may nakumpiskang marijuana habang nanguna naman ang bayan ng Baler sa may pinakamaraming drug surrenderer na umabot sa 950 mula 13 barangay ng nasabing bayan habang mayroon namang 93 ang bayan ng Dingalan.

Ayon pa sa report, sa 19 na operasyon ng pulisya kontra droga sa bayan ng Baler, 20 dito ang arestado habang may isang anti-illegal drug operation sa Dingalan na nagresulta sa pagkadakip ng dalawa katao.

Pinakamarami naman ang nakumpiskang shabu sa bayan ng Baler na mayroong mahigit 1.3 gramo, panga-lawa ang San Luis na may 1.1 grams.

Ayon pa kay Amparo, patuloy ang pagtugis ng pu-lisya sa mga drug addict maging sa mga pusher subalit mas gusto daw nilang hulihin ang mga ito nang buhay upang mabigyan ng pagkakataong magbagong buhay subalit kung sila’y (criminal) manlalaban sa ating kapulisan, malinaw din aniya ang kanyang direktiba sa police operatives na proteksyunan ang sarili sakaling maharap sa peligro ang kanilang buhay sa tuwing mayroong operasyon.