2 utas sa 2 sakuna sa Cavite

September 25, 2018

KAMPO Hen. Pantaleon Garcia, Imus City, Cavite -- Dalawa ang iniulat na namatay sa magkahiwalay na sakuna sa Silang at Imus City noong Lunes. 

Alas-7:10 ng gabi nang maiulat ng pulisya ng Silang na namatay ang biktimang si Sheryl Rey, 24, housekeeper (stay in), ng Ambalada Farm, Bgy. Lalaan 2nd, at nakatira sa Bgy. Harrison, Garchitorena, Camarines Sur, makaraang mahagip ng isang SUV habang patawid sa Gen. Emilio Aguinaldo Highway sa Silang.

Sumuko naman ang driver na si Marvin Marco, 22, ng Kayponce, Balayan, matapos madala sa ospital ang biktima na doon na nalagutan ng hininga.

Samantala sa Imus City, namatay si Catibog Marlon, 36, time keeper, makaraang madaganan ng mga bakal na may sukat na 16mm makaraang aksidenteng mabagsakan ni Haculan Carlito, 36, habang ibinababa ito mula sa isang truck.

Nasa dakong ilalim ang biktima habang nagtatala nang mangyari ang kahindik-hindik na aksidente. Nadala pa ito sa Emilio Aguinaldo College Hospital sa Dasma ngunit namatay habang nilalapatan ng lunas.

Sumuko naman si Carlito.