2 preso tigok sa Tanay, Dasma

October 24, 2018

KAMPO Hen. Vicente Lim, Bgy. Canlubang, Calamba City, Laguna -- Namatay ang dalawang preso sa Tanay, Rizal at Dasmariñas City, Cavite dahil sa hirap ng pag-hinga sa loob ng kanilang masisikip na kulungan noong Martes.

Kinilala ng pulisya ang namatay na bilanggo sa Tanay na si Federico Juab na nakapiit sa kasong illegal drugs.

Ayon sa pulisya, 5 p.m. ay dinala sa Rizal Provincial Hospital si Juab dahil nahirapan itong huminga. Ngunit pagdaan ng ilang oras sa loob ng naturang pagamutan ay namatay ito dahil sa ‘acute hypocardial infection at schematic heart disease,’ ayon sa mga doktor.

Sa Dasma, si John Renz Faduhilao, na nakapiit sa Dasma jail ay itinakbo naman sa Pagamutan ng Dasmariñas City dahil sa hirap din ng paghinga. Dakong 1:50 p.m. ay namatay din ito dahil sa ‘septic shock, non-healing infectia wound sa kanang ibaba ng extremity’.