2-anyos nahulog sa irrigation canal, patay

October 21, 2018

NAMatay nang aksidenteng mahulog sa irrigation canal ang dalawang-taong gulang na batang babae sa Bgy. Pansol, Pila, Laguna, kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni Senior Insp. Dean Alagos, hepe ng Pila police, kinilala ang biktima na si Frencies Diane Pancho.

Sinasabing nasa Saudi Arabia ang ina ng bata para magtrabaho habang ang kanyang ama naman ay trabahador sa isang junk shop sa lugar.

Ayon sa report, dakong alas-4 ng hapon nang maganap ang insidente habang kasama ng biktima sa loob ng kanilang bahay ang apat na taong nakatatanda nitong kapatid dahil ang kanilang ama ay nasa kanyang trabaho malapit sa kanilang tirahan.

Sa pahayag ng ama ng biktima, nagawa nitong iwanan ang dalawang anak sa loob ng kanilang tirahan at itinali ang pintuan para hindi makalabas ang mga bata, na dati na umano nitong ginagawa.

Hindi inaasahang nakalabas pa rin ang mga bata at naglakad patungo sa kabilang bahay na tulay na bato ang daanan.

Posibleng nadulas ang biktima at hindi nahawakan ng kapatid at nahulog ito sa canal na kasalukuyang malakas ang agos ng tubig.

Mabilis na nasagip ng kanyang ama ang biktima matapos iparating ng apat na taong gulang nitong anak na babae ang insidente.

Nasadlak ang biktima sa pinutol na puno ng saging na nasa irrigation canal. Patay na ang bata habang isinusugod sa pagamutan bunsod ng maraming tubig na nainom.

Nakatakdang umuwi ng bansa ang ina ng biktima.