1 patay, 9 sugatan sa karambola ng 10 sasakyan sa Dasma

October 05, 2018

DASMARIÑAS City, Cavite -- Dahil ’di kumagat ang preno ng isang dambuhalang truck ay bumangga ito sa center island ng highway at inararo naman ang iba pang sasakyan na ikinasawi ng isang driver ng motorsiklo noong madaling araw ng Huwebes sa Gen. Emilio Aguinaldo Highway malapit sa Robinsons Mall sa Bgy. Sampaloc 1, dito.

Ayon sa pulisya, ang Isuzu giga dump truck na minamaneho ni Marlon Melgar ng San Gabriel, Victoria, Orietal Mindoro, ay papunta sa direksiyon pa-Maynila nang mawalan ito ng preno kaya ibinangga niya ito sa center island ng highway.

Sa bilis ng takbo ng truck, kahit nahagip nito ang kongkretong harang ay dire-diretso pa rin ito at sinuwag ang isang Nissan Sentra (DGS-843), isang Toyota Vios na minamaneho ni Mark Joseph Besid, Hino truck na minamaneho ni Juanito Julia Jr., isang Mitsukoshi Bonus X motorcycle at isang Mitsubishi L300 na minamaneho naman ni Jan Vincent Lorenzo na papunta ring Maynila.

Isang Honda 125 motorcycle na minamaneho ni Ramon Joseph Magracia, ng Copenhagen St., Golden City, Imus City, na nakahinto sa stoplight ang nahagip din ng truck na tumalsik ang driver at nagulungan na naging sanhi ng kamatayan sa ospital.

Nagtutuluy-tuloy pa rin ang pagtakbo ng truck at tumama din ito sa isang Isuzu Elf Carrier truck na minamaneho ni Ireneo Buasin Jr., na siyang tumama naman sa isa pang Toyota Vios na minamaneho ni Analiza Campano at isang Rebuilt Jitney na minamaneho ni Emiliano Lachica na may mga pasahero. Nagulungan din ng Isuzu Elf car carrier truck ang isang babaeng pedestrian na kinilalang si Cynthia Baliktar at ginagamot pa sa ospital.

Lahat ng mga nasaktan sa sakuna ay dinala sa Asian Medic Hospital at ang driver ng dump truck na pinagmulan ng sakuna ay inaresto at nahaharap sa patung-patong na kaso.