5,592

OFW abuse sa Kuwait labanan!

SA halip na batikusin ay dapat na suportahan pa ng taumbayan lalo na ng nasa gobyerno ang naging hakbang ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamumuno ni Secretary Alan Peter Cayetano na wakasan na ang pang-aabuso sa OFWs sa Kuwait sa pamamagitan ng direktang pagsagip sa mga ito sa kamay ng kanilang mga abusadong employer.

Ito ang giniit ni House Committee on OFWs Vice Chairman Winston Castelo sa harap na rin ng panawagan na magbitiw sa pwesto si Cayetano dahil sa paghawak ng krisis sa Kuwait.

Ani Castelo, tiyak na nakamonitor ang Kuwaiti Govenment sa mga pangyayari sa bansa matapos ang kontrobersiyal na pagsagip sa mga inabusong OFWs. Nakalulungkot umano na sa halip na papurihan ang DFA sa maagap na aksyon ay sila pa ang nababatikos at mismong mga Filipino pa ang gumagawa nito.

Hindi umano matatapos ang pang-aabuso sa OFWs sa ibayong dagat kung ang mismong hakbang na ginagawa ng DFA para tulungan ang mga naabusong manggagawa ay papasukan ng intriga.

“Secretary Cayetano instead should get the full support of the nation. The show of a united front is necessary to achieve the best agreement with Kuwait that will protect the welfare of Filipino migrant workers. Kung mismong nasa gobyerno nagkakahati-hati sa isyu sa Kuwait ay malalagay lang lalo ang Pilipinas sa disadvantage position,” pahayag ni Castelo.

Dagdag pa nito na importanteng maipakita sa Kuwait ang pagkakaisa ng bansa para sa pagbibigay proteksyon sa OFWs at hindi ang pagkakawatak-watak.

Ilang mambabatas sa Kongreso ang pabor sa pinaiiral na deployment ban. Una nang sinabi ni Sen. Joel Villanueva na hindi alipin ng sinuman ang mga Filipino at ang kaligtasan ng OFWs ang pangunahing prayoridad habang si ACTS-OFW Partlist Rep. John Bertiz ay nanindigang hindi na dapat magpadala ng domestic helpers sa Kuwait dahil hindi ito sumusunud sa Migrant Workers Act at hindi rin signatory ng anumang conventions para sa proteksyon ng migrant workers kaya wala nang aasahan na igagalang nito ang mga manggagawa.

Batay sa datos ng OWWA, lumilitaw na 196 Pinoy ang nasawi sa Kuwait mula noong 2016, 79% sa mga ito ay sanhi ng physical abuse habang ang Philippine Embassy sa Kuwait ay nakapagtala ng 6,000 na kaso ng pang- aabuso mula noong 2017 kabilang dito ang sexual abuse at rape.