Tiwala kay Du30, Go buo pa rin!

September 14, 2018
AFP photo

LIBU-LIBONG taga-su­porta ni Special Assistant to the President (SAP) Sec. Christopher “Bong” Go ang dumagsa kahapon sa Cuneta Astrodome sa Pasay City upang ipakita ang kanilang pagkakaisa para kumbinsihin ito na tumuloy sa pagkandidato bilang senador at upang ipagsigawan ang kanilang walang hanggang suporta sa administrasyong Duterte.

Kasabay ng paghahayag ng suporta kay Bong Go, tahasan ding nagdeklara ng wagas na pagkalinga kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga bumubuo ng Sulong ang Pag-unlad Movement (SAPM), na mayroong 600 coordinators na local at national officials sa buong bansa, upang ipakita ang kanilang galit sa mga tao at grupong gustong pabagsakin ang makataong rehimeng ito na ang tanging  hangad lamang ay  pagsilbihan at ayusin ang pagkalinga sa mamamayan.

Sa pangunguna ng grupong SAPM na pinamumunuan ng Council for the Welfare of Children (CWC) Undersecretary Mitch Cajayon-Uy, umabot sa mahigit 7,000 katao buhat sa iba’t-ibang lungsod sa Metro Manila ang nagpunta sa Cuneta Astrodome upang ipakita kay SAP Bong Go ang kanilang suporta sa kandidatura ng pinagkakatiwalaang tao ng Pangulong Duterte.

“Naniniwala kami sa kakayanan at galing ni SAP Bong Go na kaya niyang ipaglaban ang mahihirap na mamamayang Pilipino sa Senado,” ani Cajayon.

Nangako rin ang mga dumalo na kanilang haharangin ang anomang plano ng oposisyon na pagpapabagsak sa kasalukuyang liderato dahil ngayon lamang sila nakaramdam ng tunay na pagkalinga at pag-aaruga ng isang pinuno ng bansa.

Sinabi pa ng opisyal na mayroon ding magkakasabay na motorcade na isinasagawa ngayon sa lahat ng probinsya sa bansa upang ipakita ang suporta ng mamamayan kay Go at upang ipangalandakan na rin na sawang-sawa na ang taumbayan sa paninira ng oposisyon na pinamumunuan ng Liberal Party at ni Senador Antonio Trillanes.

“Sinuyod kahapon ng aming mga miyembro sa ibat-ibang probinsya ang buong kapuluan  upang ipakita na ang mayorya ng tao sa mga rehiyon ay “all out” pa rin ang suporta kay Pangulong Duterte, bilang pagkumpirma na rin sa mga resulta ng surveys na nagsasabing mataas pa rin ang approval at trust rating ng pinuno ng bansa,” dagdag pa ng SAPM.

Si SAP Bong Go ay mahigit dalawang dekada nang naninilbihan kay Pangulong Duterte kaya’t alam na niya ang kalakaran at pagpapatakbo ng pamahalaan kung kaya’t minabuti ng aming grupo na siya ay himukin na tumakbo bilang senador na kakatawan sa ordinaryong mamamayan.

“Kailangan ni Pangulong Duterte ng kanang kamay sa Senado kaya’t bilang trusted man ng ating pinuno ay marapat lamang na si Bong Go ay ating tulungan,”ani Cajayon.

Sa mga sakuna at bagyong nanalanta, tahimik lamang na nagbibigay ng tulong si SAP Bong Go sa mga biktima. Siya mismo ang nagpupunta sa iba’t ibang lalawigan at lugar sa bansa upang mag-abot ng tulong.

Sinabi naman ni PCOO Sec. Martin Andanar, na si Go ang nagsisilbing tulay at kamay ng Pangulo sa publiko. Ipagpapatuloy umano ni SAP Bong Go ang paglaban sa mga iligal na droga, kriminalidad at higit sa lahat ang isyu ng bansa sa kahirapan.

Ilang Malasakit Center na rin ang binuksan ni SAP Go sa iba’t ibang lugar sa bansa upang masiguro na ang mga mahihirap na Pilipino ay may malalapitan sa oras ng kanilang pangangailangan.

Tagged Under