Solon pumalag

October 09, 2018

Ganito isinalarawan ni House appropriations committee vice chairperson at Isabela Third District Rep. Napoleon Dy ang Ilagan-Divilacan Road project na pinondohan ng higit P1.6 bilyon subalit hindi pa rin umano natatapos hanggang ngayon, mahigit dalawang taon matapos itong masimulan.“Kalahati pa lamang ang natatapos sa proyekto kahit nakapag-release na ang provincial government ng P1.6 bilyon.

“Kung susumahin, nasa 39 milyong piso kada kilometro ang ginastos ng administrasyon ni Gov. Faustino “Bojie” Dy III (para sa proyekto),” ayon pa sa mambabatas.

Sa sandaling makumpleto, ang 82-kilometrong kalsada ay mag-uugnay sa lungsod ng Ilagan at sa mga bayan ng Divilacan at Maconacon.

Nagsisimula ang proyekto sa Bgy. Cabisera 10 at Bgy. Sindon Bayabo sa Ilagan City at magtatapos naman sa Bgy. Dicatian sa bayan ng Divilacan.

Ayon pa sa kongresista, “halata namang overpriced.”

“Kahit yung initial costing nila sa proyekto, na pinaglaanan nila ng 20 milyong piso kada kilometro sa paghahawi pa lamang --hindi pa kasama ang aktwal na pagsemento -- ay mas mahal kung ikukumpara sa standard costing na itinakda ng DPWH (Department of Public Works and Highways).”

Kinuwestyun din ng mambabatas ang isinagawang ‘bidding’ para sa isang ‘third party contractor,’ ang CM Pancho Construction na nakabase sa Quezon City.

Aniya, ang P1 bilyon sa kabuuang P2.6 bilyon na inutang ng provincial government para sa pagpapagawa ng kalsada ay nakalaan sa pagbili ng construction equipment para sa lalawigan.

“Nasaan na ang mga heavy equipment na binili ng isang bilyon mula sa nasabing pondo?

“Magkano pa ang gagastusin ng provincial government para matapos ang proyekto, na ngayon ay nangangalahati pa lamang?” Tanong ni Rep. Dy. Sinimulan ang proyekto noon pang Marso 2016.

Nagtatanong din ang mambabatas hinggil sa mga pinutol na punongkahoy para sa kalsada na “sinagasaan” ang ilang bahagi ng Isabela National Park and Protected Area sa kabundukan ng Sierra Madre.

“Isa pa itong tanong hinggil sa kalsadang ito, na maaaring makasama sa kalikasan sa nasabing lugar. Ano ang nangyari sa mga punongkahoy,” dagdag pa ni Rep. Dy.

“Hindi ito pamumulitika, tungkol ito sa pananagutan at mabuting pangangasiwa.

“Ang kabayaran sa bilyun-bilyong inutang ng provincial government ay manggagaling sa bulsa at buwis ng taga-Isabela, at dapat nilang malaman ang buong pangyayari hinggil sa proyektong ito,” aniya pa.

Si Gov. Dy ay inaasahang tatakbo bilang ‘vice governor’ sa darating na halalan kung saan tatakbo naman bilang gobernador si Isabela First District Rep. Rodolfo ‘Rodito’ Albano III.