Seniors vs Abby

October 07, 2018

NAGPAHAYAG ng kanilang saloobin ang mga ‘senior citizens’ sa Lungsod ng Makati hinggil sa anila ay “lumalamig” na pakikitungo sa kanila ni Mayor Abigail Binay-Campos.

Ayon kay Matea Benavidez, chairperson ng Barangay Council of Senior Citizens (BCSC) ng Bgy. San Antonio, ang hindi pagsipot ni Mayor Campos sa ginanap na Senior Citizen Sportsfest’ kamakailan ang “pinakahuli” sa anila ay “sa sunud-sunod” na insidenteng ikinasama ng loob ng mga nakatatanda sa lungsod.

“Mula pa sa panahon ni VP [dating Vice President at Makati Mayor Jejomar Binay] hanggang sa pag-upo ng anak niyang si Mayor Junjun [Binay], alam namin na kakampi namin ang Mayor, na may matatakbuhan kami kung may problema ang seniors.

“Ngayon, wala na,” ayon pa kay Benavidez, na “kapitbahay” ng mga Binay sa Bgy. San Antonio.

Pinuna naman ni Gaudelia Walde, Chairperson ng Tejeros Chapter ng BCSC, ang aniya’y “hindi rasonableng mga patakaran” ng kasalukuyang administrasyon sa pamamahagi ng mga ‘senior citizens cash incentives.’

“Sobrang perwisyo, pinapahirapan pa ang mga seniors bago matanggap ang mga benepisyo nila. Dapat daw ‘personal’ kunin ang incentive.

“’Yung exempted lang ang mga bedridden at may kapansanan, o yung mga naka-confine sa ospital, subalit kailangan pang magpakita ng patunay na hindi nila kayang magtungo ng personal sa city hall,” aniya pa.

“Kahit naman walang kapansanan o hindi bedridden, mahirap pa rin para sa mga seniors natin ang ‘pumila’ sa mga basketball court o kung saan man sa barangay para makuha nila ang pera nila.

“Dapat pwede mag-authorize ng iba, kaso kahit ang pag-authorize ng iba para tanggapin ang benepisyo, pahirapan din,” daing pa ni Walde.

Sa prosesong inilatag umano ng tanggapan ni Mayor Campos, ang mga senior citizens na kailangang magtalaga ng kinatawan sa pagkuha ng kanilang mga cash incentive ay kailangan pang punan at lagdaan ang opisyal na  authorization form na inisyu ng Makati City Hall.

Ang form ay kailangang pirmahan ng Blu cardholder o ng kanyang tinalagang kinatawan at dapat na sinang-ayunan ng Chapter Chairperson ng BCSC o ng kanilang Punong Barangay.

Kapag ang Blu Cardholder ay naka-confine sa ospital, kailangan namang magsumite ng medical  certificate na pirmado ng ‘attending physician.’

Ang bawat senior citizen sa Makati ay binibigyan ng ‘Blu Card’ na may kaakibat na benepisyo kagaya ng libreng panonood sa mga sinehan sa Makati araw-araw.

Itinaas din ang cash incentive ng mga senior citizen mula sa P1,500 hanggang P2,500, depende sa edad.

“Hindi na makatwiran ang mga patakaran ngayon. Mas maayos at mas madali ang sistema dati (sa termino ni Mayor Junjun),” ayon kay BCSC Bgy. Carmona Chapter Chairperson Carmen Hachero.

Aniya pa, walang naging mga katulad na problema ang mga senior citizen ng lungsod sa termino ni Mayor Junjun at ng kanyang ama, “dahil laging may puso ang mga Binay para sa mga  senior citizen ng Makati.”

“Palaging prayoridad ang aming kapakanan kay Mayor Junjun at kay VP noon. Kinakalinga kami.

“Kaya itong nangyayari ngayon, ang pagpila ng mga seniors para sa cash incentives, ang pagpila para sa Makatizen card, di ko maisip na mangyari ang ganito sa ilalim ng isang Binay...  Nakakadismaya,” dagdag pa ni Hachero.