PECO pinalagan

October 04, 2018

Franchise ’di dapat i-renew -- Tambunting.

NANINDIGAN kahapon si Parañaque City Rep. Gus Tambunting na hindi na dapat i-renew ng karagdagang 25 taon ang prangkisa ng Panay Electric Corp. (PECO).

Sinabi ni Tambunting na hindi dapat magtiis ang mga taga-Iloilo sa serbisyo ng PECO, nag-iisang electric supplier sa Iloilo, upang lalo pang mapabuti ang serbisyo sa kuryente.

Iginiit ni Tambunting na mayroon namang ibang player na maaaring magbigay ng mas magandang serbisyo sa mas mababang halaga.

“Bakit tayo magtitiis kung mayroon namang nag-aalok ng mas magandang serbisyo. Mas mainam na piliin natin ang mas makabubuti para sa lahat kaysa sa magtiis sa nakagawian na,” ayon kay Tambunting na kasapi ng House committee on legislative franchises.

Nakatakdang mapaso ang prangkisa ng PECO sa Enero 2019 at nakabinbin ang aplikasyon nito sa Kamara de Representantes para sa renewal.

Sinabi ni Tambunting na wala siyang nakikitang negatibong epekto sakali mang hindi aprubahan sa plenaryo ang franchise renewal ng PECO.

Aniya, titiyakin umano ng concerned agencies na walang magiging pagkakaantala sa supply ng kuryente kahit na isang minuto o segundo.

“Iyung transition issue ay aayusin ng mga ahensya ng gobyerno kaya wala tayong nakikitang problema kung palitan man ang PECO sa Iloilo ng ibang electric company,” paliwanag ni Tambunting.

Sinabi ni Tambunting na dapat sundin na ng PECO ang kautusan ng Energy Regulatory Commission na ibalik sa mga konsyumer ang P631-milyon dahil umano sa sobrang kuryenteng nasingil lalo’t mayroon umanong sapat na assets ang PECO upang isagawa ang refund.