PECO kumita?

October 10, 2018

Kahit may reklamo sa ‘overbilling’

KUMITA ng milyun-milyong piso ang Panay Electric Co. (PECO) sa pagbebenta ng kuryente sa Iloilo City sa gitna ng kabi-kabilang protesta kaugnay sa umano’y overbilling nito.

Base sa umano’y mga datos ng Securities and Exchange Commission (SEC), nagbigay ang PECO ng dibidendo sa isa sa mga malaking stockholder nito mula 2015 hanggang 2017 sa kabila ng umano’y reklamo ng mga residente ng Iloilo City kaugnay sa serbisyo nito.

Nakita sa records ng PECO na nagbayad umano ito ng dibidendo na P51 milyon noong 2017, P43 milyon noong 2016 at P41 million noong 2015 sa isa nitong partner.

Pag-aari ng Cacho family ng Iloilo ang 70 porsyento ng kompanya kung saan nalalagay sa alanganin ang paglusot ng hinihinging extensiyon ng prangkisa sa House committee on legislative franchises na pinamumunuan ni Palawan Rep. Josef Alvarez dahil sa umano’y mga kontrobersiya.

Naglabas rin ng resolusyon ang Iloilo City Council na humiling sa Kongreso na huwag nang bigyan ng prangkisa ang PECO.

Para naman kay Iloilo City Councilor Joshua Alim, walang masama na kumita ang PECO sa kondisyong tinutugunan ang umano’y mga reklamo ng kanilang konsiyumer.

“Okay lang naman na kumita ang PECO pero sana naman ay binigyang pansin nila ang mga reklamo naming mga taga-Iloilo,” dagdag ni Alim.