PECO dedo!

October 08, 2018

Prangkisa alanganin dahil sa 1,000% taas sa monthly bill.

DAHIL sa kontrobersiya sa kanilang serbisyo katulad ng umano’y 1,000 porsiyenong pagtaas sa kanilang monthly bill, nalalagay sa alanganin ang renewal ng prangkisa ng Panay Electric Company (PECO) na magkaloob ng kuryente sa Iloilo City.

Sinabi ni Palawan Rep. Franz Alvarez, chairman ng House committee on legislative franchises, na kailangang saguting mabuti ng PECO ang umano’y mga reklamo ng kanilang mga kliyente upang makumbinse ang mayorya ng mga kongresista na payagan ang renewal ng kanilang prangkisa na mapapaso sa Enero 18, 2019.

Hawak ng PECO ang eksklusibong prangkisa upang magbenta ng kuryente sa Iloilo City nitong nakaraang siyam na dekada.

Para kay Iloilo City Councilor Joshua Alim, marami umanong natanggap na reklamo ang Energy Regulatory Commission (ERC) mula sa mga taga-Iloilo, kabilang ang napabalitang biglaang pagtaas ng 1,000 porsyento sa buwanang bill ng kanilang mga kliyente nitong Abril 2018.

Bagaman nagpadala pa ang ERC ng isang special team sa Iloilo City, 80 porsiyento lamang ng mga reklamo kaugnay sa monthly bills ang naayos umano nito.

Sa ipinatawag na pagdinig ng ERC noong Abril 2018, inamin umano ng PECO na may mga naganap talagang aberya sa kanilang pagmemetro ng kuryenteng ginagamit ng kanilang mga konsiyumer.