Nograles: Pasko wag nakawin

September 30, 2018

Iwasan ang rice shortage.

KUNG nais nating mababa ang presyo ng bigas at pasayahin ang Pasko para sa mahigit 100 milyong Pilipino, dapat lalo pang paigtingin ng National Food Authority (NFA) ang pagbili ng palay sa lokal na magsasaka para tiyaking matatag ang suplay ng murang bigas sa kasagsagan ng kapaskuhan.

Ito ang inihayag ni House appropriations chair Rep. Karlo “Ang Probinsyano” Nograles ngayong Linggo na kasabay ng babala na baka hindi sapat ang suplay ng NFA rice para pababain ang presyo kahit pa nakatakdang umangkat ng bigas sa ibayong dagat ang gobyerno sa mga susunod na buwan.

“Ayaw nating dumanas na naman ang ating mga kababayan ng kakulangan sa murang bigas lalo na sa kapaskuhan. Ngunit kung wala tayong mahanap na paraan para pigilan ang pagtaas ng presyo, dapat nating siguruhin na sapat ang ating imbak na NFA rice,” ayon kay Nograles.

Ayon sa mambabatas mula Davao, ang ulat sa kanya ng NFA ay nasa 2,151,611 sako ng bigas ang hawak ng ahensya noong September 25.

Kapag patuloy ang pamamahagi ng NFA ng 128,000 sako ng bigas kada araw sa pagsisikap nito na ibaba ang presyo, ayon sa paliwanag ni Nograles,  ang kasalukuyang stock ng NFA ay tatagal lamang ng 17 araw, o hanggang ika-12 ng Oktubre.

“Ngayon, may karagdagang 158,684.54 metriko tonelada (MT) ng NFA rice na kailangan pang ibaba ng barko. Ito ay katumbas ng 3,173,690 sako, at ito ay sasapat lamang sa loob ng 25 araw. Ibig sabihin, ang stock na ito ay tatagal lamang mula ika-13 ng Oktubre hanggang ika-6 ng Nobyembre,” dagdag pa nito.

Ito, ayon kay Nograles, ay nangangahulugan na dapat dumating na sa bansa sa Nobyembre ang inangkat na 250,000 MT na bigas na naunang inaprubahan ng NFA Council.

“Humigit-kumulang limang milyong sako ng bigas, at ito ay sasapat lamang sa 39 araw, o mula November 6 hanggang December 15,” ayon kay Nograles.

“Ngunit ang pagdating ng mga inangkat na stock ng bigas na aking binanggit ay maaaring maapektuhan ng mga kondisyon na wala sa ating kontrol. Papaano kung ang panahon, simba ko (God forbid), ay makakaantala sa delivery? Kapag nagkataon, pagdating ng Nobyembre o Disyembre, pilay na naman ang kakayahan ng NFA na panatilihing mababa ang presyo ng bigas,” babala.

“Malaking problema ito. Kapag umalagwa na naman ang presyo ng bigas sa Disyembre, lalaki ang gastos ng ating mga kababayan para sa bigas, at bawas na naman ang kanilang pang-Noche Buena. Hindi ganyan ang Paskong hangad natin para sa ating mga kababayan, lalung-lalo na ang mga masisipag na probinsyano.”

Ang solusyon, ayon kay Nograles, “ay nasa paulit-ulit kong sinasabi. Dapat tumawag ang NFA Council ng isang emergency meeting at aprubahan ang agarang pagbili ng palay mula sa ating mga magsasaka sa presyong 22 pesos kada kilo. Palalakihin nito ang kasalukuyang imbak na bigas ng ahensya bago pa tuluyang numipis at maubos ang hawak nilang stock.”

Nararapat at makatarungan lamang sa ganyang presyo ang bilihan ng palay, ayon kay Nograles.

“Hindi lang nito sususugan ang kasapatan sa stock ng bigas para masigurong Merry ang Christmas ng ating mga mamimili, titiyakin din nitong Manigo ang Bagong Taon ng ating mga kababayang magsasaka.”

Tagged Under

NFA