lingap ng INC isinagawa

October 30, 2018

BAGAMA’T pasanin ng lahat ng bansa sa mundo ang kahirapan, dapat handa tayong magpaabot ng tulong saan man kailangan.

Ito, ayon kay Iglesia Ni Cristo (INC) General Auditor Glicerio B. Santos Jr., ay isa sa mga pilosopiya ng INC’s Felix Y. Manalo Foundation, na nakapagsagawa na ng programang Lingap sa Mamamayan sa anim na kontinente sa loob lamang ng buwan ng Oktubre bilang pagdiriwang sa ika-63 kaarawan ni INC Executive Minister Eduardo V. Manalo.

Matapos magsagawa ng iba’t-ibang mga outreach activities sa mga kontinente ng America, Europe, Africa, Asia, Middle East at Australia-New Zealand, balik-bansa kamakailan ang programa ng Iglesia at idinaos ang Lingap sa Tondo at Binondo sa Maynila at sa Culiat sa Quezon City.

“Higit pa sa awa, kami ay naniniwala na kailangan ng mahihirap ang aming tulong at pagkalinga. At kami ay nakahandang ipamahagi ito, saan man at kailan man ito kinakailangan,” pahayag ngayong Martes ni Santos at ibinunyag din na namahagi ang foundation ng kabuuang bilang na 100,000 goodie bags sa dalawang nabanggit na lokasyon sa Maynila kasabay ng mga medical at dental missions sa nasabing mga pook.

Ayon kay Santos, ang pinakahuling Lingap sa buwang ito ay isasagawa ngayong araw sa Culiat at nakatuon sa pagbibigay ng tulong sa Muslim community doon at magsasagawa rin ng katulad na serbisyong medical at dental kaakibat ng pamamahagi ng 5,000 goodie bags.

Iginiit ni Santos na ang pagtulong na ito ng Iglesia bilang bahagi ng kanilang mga hakbang laban sa kahirapan ay katulad din sa “global outlook” ng INC.

“Marami kaming mga miyembro at kapilya sa buong mundo. Ang aming pagkakatatag sa mga bahaging ito ng daigdig ay nagbibigay sa amin ng pagkakataong abutin ang mas maraming tao, anuman ang kanilang paniniwala. Kapag may pangangailangan, ang Iglesia ay paparoon,” bigay-diin pa ni Santos.

Sa nagdaang buwan, nagsagawa ang nasabing foundation ng mga programang Lingap o “Aid to Humanity” sa New York at Connecticut sa Estados Unidos, at sa Toronto at Winnipeg sa Canada.

Sa Toronto, kabilang sa mga nabiyayaan ng tulong at paglingap ang mga residente ng Ralph Chiodo Family Immigant Reception Center, the Neighborhood Organization, Redwood Shelter for Women, Chrisie Ossington Neighborhood Men’s Shelter, Christie Refuge Welcome Center, Homes First Society Youth Shelter, Flemingdon Community Food Bank, Matthew House for Refugee Claimants, Romero House for Refugees, at ang mga benepisyaryo ng Canadian Center for Refugee and Immigrant Health Care.

Sa Winnipeg, Manitoba, inilahad ni Santos ang pamimigay ng tulong para sa Turtle Mountain Community Center, kung saan inalalayan ng tulong ng INC ang mga migrante at mga napagkakaitang sektor sa nasabing lugar.

Ibinunyag din ni Santos na ang mga residente at mga dumalo sa nasabing programa sa iba’t-ibang lokasyon sa Canada ay nakatanggap ng cash donations at nabahaginan ng humigit-kumulang 4,000 “goodwill bags” na naglalaman ng mga kumot, medyas, sumbrero, mittens at gloves, tuwalya, sabon, hand sanitizers, toothbrush, toothpaste, shampoo, suklay, ponchos, granola bars, canned goods, noodles at mga ready-to-eat meals. Nagbigay din ng donasyon ang foundation na nagkakahalaga ng 1,000 Canadian dollars sa bawat center at shelter na kanilang naabutan ng tulong.