Lawyers for Commuters Safety and Protection: Tuldukan na ang problema sa colorum

October 31, 2018

MARIING nanawagan kahapon ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na tuldukan na ang problema sa colorum operations.

Ang panawagan ay ginawa ni Atty. Ariel Inton Jr., founder ng LCSP matapos makatanggap ng mga reklamo na may mga fake transport booking office ang nambibiktima sa innocent commuters pauwi ng kanilang mga probinsiya.

Ayon kay Inton mahal pa umano ang advance booking na sinisingil ng mga colorum na biyaheng Mindanao, Visayas at Bicol Regions.

Anya, lalo ngayong panahon ng Undas kung saan naguuwian ang ating mga kababayan sa kanilang mga probinsiya.

Hinikayat ni Inton ang Inter-Agency Councilor on Traffic (I-ACT) na galugarin ang ibang mga lugar at huwag lang mag- concentrate sa mga malalaking bus terminal.

Nanawagan din si Inton sa ating mga kababayan na magsisiuwi sa kanilang mga probinsiya na maging maingat at huwag tangkilikin ang mga colorum.

Paliwanag ni Inton delikado ang mga colorum kung maaksidente dahil ang mga ito ay walang insurance claims na makukuha sa mga colorum vehicle.