Isabela bokal kakasuhan

October 03, 2018

QC parking attendant tigok sa opisyal

NAHAHARAP ngayon sa patung-patong na reklamo si Ed Christopher S. Go, bokal ng lalawigan ng Isabela, dahil sa kasong reckless imprudence resulting to homicide matapos sagasaan at mapatay ang 50 anyos na parking attendant na si Celso Calacat habang nagmamanehong nakainom sa Quezon City ngayong Miyerkules ng madaling araw.

Ayon sa nakasaksing si Christian Salvador, si Calacat ay sinagasaan ni Go sa kahabaan ng Tomas Morato habang ito ay tumutulong sa pagpapaparada ng mga sasakyan sa paligid ng Scout Fuentebella St.

Pahayag pa ni Salvador na papatawid siya noon sa Tomas Morato nang makita niya ang isang mabilis na SUV na napag-alamang minamaneho ni Go nang banggain nito si Calacat.

Ang biktima na nagtamo ng sugat sa ulo at katawan ay agad itinakbo sa ospital ngunit hindi na umabot nang buhay at idineklara itong dead on arrival.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Joel Alviso ng Quezon City Police District, natuklasan nilang si Go ay lango sa alak nang mabangga nito si Calacat. Maliban sa “reckless imprudence resulting to homicide,” sasampahan din si Go ng kasong “driving under the influence of liqour.”

Si Go, kaalyado ni Isabela Gov. Faustino “Bojie” Dy, ay kasalukuyang nakaupo bilang miyembro ng Sangguniang Panlalawigan ng Isabela at kumakatawan sa ikalawang distrito ng probinsya. Siya ay anak ni Rep. Ana Cristina S. Go na ngayon ay kinatawan ng naturang distrito.

Ang nakababatang Go ay napapabalitang tatakbo bilang kongresista sa May 2019 para sa puestong lilisanin ng kanyang ina sa ilalim ng tiket ni Isabela 1st District Rep. Rodito Albano, na napapabalitang tatakbo bilang gobernador ng lalawigan katambal si Dy, na kakandidato bilang vice governor.

Kapag nahatulang guilty sa kasong reckless imprudence resulting to homicide, si Go ay makukulong mula anim na buwan hanggang anim na taon.

Si Go ay sasampahan din ng paglabag sa Republic Act 10586 o ang Anti-Drunk Driving and Drugged Act of 2013.

Sa ilalim ng nasabing batas, ang mga motoristang mahuhuling nagmamanehong nakainom o lango sa droga gamit ang isang non-professional drivers license at mapapatunayang may blood alcohol content (BAC) na lampas sa 0.05% ay aarestuhin ng hindi bababa sa tatlong buwan, at pagmumultahin ng   hindi bababa sa 20,000 piso. Kukumpiskahin din ang minamanehong sasakyan at isususpinde ng 12 buwan ang lisensya. Kapag nagresulta sa kamatayan ang pagmamaneho ng nakainom o lango sa droga, ang multang ipapataw ay iaakyat mula 100,000 hanggang 500,000 piso.