Go para sa Senado!

October 09, 2018
Bong Go

Ito ang pakiusap at panawagan kahapon ng iba’t-ibang samahan na dumagsa sa Midas Hotel sa Pasay City upang ipahayag at kumbinsihin si Special Assistant to the President Christopher “Bong” Go na tumakbo sa Senado sa darating na halalan sa Mayo, 2019.

Ayon kay Usec. Mitch Caayon, dating kongresista ng Caloocan City at kasalukuyang pinuno ng Sulong ang Pag-unlad Movement (SAPM) na mayroong 500 coordinators na mga lokal at pambansang opisyal sa buong bansa, nagkasundo sila na pakiusapan si Bong Go na tumakbo bilang senador dahil ito lamang ang tunay na magsusulong    ng mga legislative agenda ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sinabi pa ni Caayon, na naniniwala silang si Go rin ang magiging kinatawan ng mga ordinaryong mamamayan sa Senado dahil abot nito ang pangangailangan ng tao sa buong bansa at patunay na nga rito ang pagtatayo ng may 10 Malasakit Centers, na ang tanging layunin ay matulungan ang mga kapuspalad nating mga kababayan lalo’t higit sa medical na aspeto.

“Hindi matatawaran ang malasakit at pagmamahal ni Sap Bong Go sa mga mamamayan kaya’t bilang boses ng SAPM, na mayroong chapters sa halos lahat ng barangay sa bansa,  ay nakikiusap kami na ituloy niya sa Senado ang laban ng Pangulong Duterte,” ani Caayon.

Idinagdag pa ni Caayon, na kailangan ng bansa ngayon ang isang mambabatas o senador na magtutulak ng pederalismo at iyan ay pinatunayan at tatayuan ni Go.

Ipinahayag naman ni Bacoor Mayor Lani Mercado, isa sa mga lider ng mga lokal na opisyal na sumusuporta kay Go, na napapanahon at kailangan ng Pangulong Duterte ng tunay na kasangga sa Senado dahil mababalewala lamang ang hirap n’ya sa ehekutibo kung walang karampatang batas na tutugon sa kanyang mga programa.

Sinabi naman ni Edoy Arieta, pinuno ng Friends of Bong Go, na mayroong 400 chapters sa buong bansa at sa ibayong dagat, na si Go ang magiging kinatawan ng Duterte Diehard Supporters sa Senado.

“All out support kami kay SAP Bong at katunayan nagsisimula na kami ng mga pagkilos sa mga kanayunan at kalunsuran upang masiguro ang kaniyang paglahok sa darating na halalan at upang masiguro na rin na siya ay mananalo sa Senado.

“Aaraw-arawin namin si Sap Bong Go sa Facebook at sa iba pang social media outlets upang pilitin siyang ipaglaban kami sa Senado,”dagdag ni Arieta.

Sinabi naman ni Cong. Teng Mangudadatu, kinatawan ng mga Muslim at ARMM, na uhaw na uhaw ang Mindanao sa mga tunay na lingkod bayan at nakikita n’ya kay Go na ito ang tamang tao na siyang tutugon sa pangangailangan ng Mindanaoan.

Ipinaliwanag naman ni dating Pampanga Gov. Clayton Olalia, pinuno ng Kapatiran kay Bong Go (KBG), na kung saan ang mga kasapi ay mga dating pinuno ng Kabataang Barangay , na importante na naroon si Bong Go sa Senado dahil ito ang magsisilbing tulay ng Pangulo sa Mataas na Kapulungan.

Idinagdag naman ni DILG Asec. Kat Jolosjos, isa ring taga-Mindanao, na panahon na para palitan ang mga miyembro ng Senado.