DILG: Junjun Binay may ‘perpetual DQ’

October 15, 2018

WALA pang katiyakan ang mga botante sa Lungsod ng Makati na kasama ang pangalan ni dating mayor, Jejomar Erwin ‘Junjun’ Binay, sa listahan ng mga opisyal na kandidato para sa darating na halalan.

Ito ay matapos ipabatid ng lokal na tanggapan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na mayroong ‘perpetual disqualification’ ang dating alkalde dahil na rin sa mga kasong isinampa laban sa kanya ng Office of the Ombudsman, na sinang-ayunan aniya ng Commission on Elections (Comelec).

Sa liham ni Atty. Cherry Canda-Melodias, DILG director sa Makati, kay DILG NCR director, Juan Ingeniero at DILG Officer-In-Charge, Eduardo Año na may petsang Oktubre 9, 2018,  tinukoy ang hatol na dismissal ng Ombudsman laban kay Junjun at 11 iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan sa nakaraang administrasyong Aquino.

Ayon pa kay Melodias, ang nasabing desisyon ng Ombudsman ay may karagdagang parusa na ‘perpetual disqualification to hold public office’ o “habambuhay” na pagbabawal sa dating mayor na kumuha pa ng ibang posisyon sa ano mang opisina ng pamahalaan dahil sa kasong katiwalian.

Dagdag pa ni Melodias, si Junjun Binay at kanyang mga kapwa akusado ay sinampahan din ng kasong ‘Dishonesty,’ ‘Grave Misconduct,’ at ‘Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service’ dahil sa kanila umanong “pagsasabwatan” upang maibigay ang kontrata sa Makati Science High School (MSHS) Phase I to IV, sa Hilmarc’s Construction.

Ayon pa sa liham ni Melodias, pormal nang natanggap ng mga akusado ang naging desisyon ng Ombudsman.

Sa pagkalap ng mga ebidensiya, sinabi naman ng mga  ‘graft investigators’ na nilabag din umano ng grupo ni Junjun Binay ang ‘government procurement rules.’