Chainsaw, DENR personnel ikinalat para sa road clearing

September 17, 2018

AGAD nagpakalat ang Department of Environment and Natural Resources ng 87 chainsaw at field personnel para mapadali ang pagpuputol ng mga nabuwal na puno sa mga lugar na lubhang naapektuhan ng Bagyong Ompong. 

Ito’y bilang tulong ng DENR sa pamumuno ni Sec. Roy A. Cimatu sa road clearing operations ng Department of Public Works and Highways, Metro Manila Development Authority at local government units.

Batay sa inisyal na ulat na natanggap ng Operations Center ng DENR, agad ipinakalat ang mga chainsaw operator sa Region 1, 2, 3, 4A at Cordillera Administrative Region para sa mas mabilis na clearing operations sa mga nakahambalang na puno sa mga pangunahing lansangan na delikado sa publiko.

Nauna rito, binuhay ni Cimatu ang DENR Operations Center sa central office sa Quezon City para magkaloob ng agarang pagtugon sa publiko sa pamamagitan ng regional at field offices nito.

“This is the most opportune time to make good use of the chainsaws that we have confiscated.  Chainsaws are appropriate to cut felled trees, especially the big ones, but shorten the time in the clearing operations of the local government units, DPWH and even by the MMDA in the National Capital Region,” ayon kay Cimatu.

Sa Metro Manila, pinangunahan ni DENR Undersecretary Benny Antiporda ang pagsasagawa ng clearing operations bilang tugon sa mga natanggap na tawag ng DENR Hotline hinggil sa mga nabuwal at nakahambalang na puno sa mga lansangan.

Sinabi ni Antiporda na kamakalawa lang, mahigit 12 clearing operations ang matagumpay na naisagawa nila sa Quezon City, Malabon at Valenzuela City.

Bukod sa clearing operations, tumulong din ang DENR sa paglilikas sa libu-libong apektadong pamilya at indibidwal sa Aparri, Cagayan; Dupax del Norte at Isabela gayundin sa paghahatid at pamamahagi ng relief goods.

Pinakilos din ang DENR personnel para umasiste sa road clearing operations sa Kiangan, Asipolo at Tinoc Road.

Tagged Under