Apela sa ERC

October 09, 2018

Consumer groups umapela kaugnay sa PECO.

NAGSAGAWA ng pagkilos kahapon sa harap ng tanggapan ng Energy Regulatory Commission(ERC) ang consumer group na Pinoy Aksyon for Governance and Environment (Pinoy Aksyon) upang hilingin na aksiyunan ang mga reklamong ipinaabot ng mga consumer sa ahensya laban sa kanilang distribution utility firm na Panay Electric Company(PECO).

Ayon sa Pinoy Aksyon, isang independent advocacy at think tank group, matagal nang ipinaabot sa kanila ng consumers ng Iloilo City ang reklamo nito laban sa PECO, ang nag-iisang power supply distributor sa lalawigan.

Sinabi ng grupo na naghihintay sila ng katugunan sa ERC kaya nagsagawa ng pagtitipon upang hilingin ang pagkilos sa mga reklamo.

Ilan sa mga idinulog ng PECO consumers sa ERC ay ang umano’y sobra-sobrang singil ng kompanya na tumaas sa halos 1,000 porsiyento, ang nararanasang brownout, mapanganib na mga poste ng kuryente at ilang aroganteng mga personnel.

Sinabi ni PinoyAksyon Chairperson Bency Ellorin na sobra na ang pagtitiis ng mga electric consumers ng PECO sa hindi umano magandang serbisyo.

Sa mahigit siyam na dekadang serbisyo ng PECO, sinabi ni Ellorin na hindi nakasabay ang kompanya sa panahon kaya umano napag-iwanan na ng ibang distribution companies.

Sa nararanasang hirap ng mga konsiyumer, sinabi ni Ellorin na tama lamang na idinulog nila sa Kamara de Representantes at Senado na huwag nang i-renew ang prangkisa ng PECO.

Aniya, suportado ng kanilang grupo ang panawagang ito dahil sa kabiguan na maresolba sa maraming taon ang umano’y mga problema.

“We are in solidarity with the power consumers of Iloilo,” giit ni Ellorin. Nanawagan si Ellorin sa ERC na suriin ang operasyon ng PECO sa Iloilo City at kung tunay nitong nasusunud ang kanilang tungkulin bilang may hawak ng public utility franchise.

“We are calling the ERC to exercise its mandate as a regulatory agency, by looking in the public utility franchise of PECO, which to start with is based on ‘comfort and convenience.’ ERC should look whether PECO is following to the letter its franchise as a public service provider or not. As a company engaged in delivery of public service, they should put first the interests of their consumers, and not just their bottomline or profit,” pagtatapos pa ni Ellorin.