Anti-PECO handa!

October 08, 2018

30K Iloilo petitioners tutol sa franchise renewal handang humarap sa Kamara,

HANDA ang mga konsiyumer ng Panay Economic Company (PECO) na humarap sa Kamara de Representantes upang ilahad ang kanilang hinaing at tututulan ang renewal ng prangkisa ng nag-iisang electric distributor company sa Iloilo City.

Umaasa si Iloilo City Councilor Joshua Alim, isa sa tumututol sa PECO franchise renewal, na maiimbitahan sila sa susunod na pagdinig ng House committee on legislative franchises at mabigyan ng mahabang panahon na maipahayag ang umano’y masamang serbisyo ng PECO.

Ibinalik-tanaw ni Alim na tatlong minuto lamang silang nakapagsalita sa naunang pagdinig dahil hindi sila opisyal na imbitado.

“Hinihiling namin na makinig ang mga mambabatas sa mga konsiyumer dahil balido ang aming mga reklamo. Kami ang apektado kung mare-renew muli ang prangkisa ng PECO. Walang personalan dito kundi magandang serbisyo na naaayon sa aming ibinabayad ang nais naming matanggp at umaasa kami na makikinig sa amin ang Kongreso at hindi ang interes ng negosyante,” dagdag ni Alim.

Naunang nagsumite sa Kamara de Representantes ng petisyon ang mga residente ng Iloilo City na nanawagan na huwag nang i-renew ang prangkisa ng PECO.

Nakasaad sa petisyon ang kanilang mga reklamo kaugnay sa umano’y overbilling, problema sa pagbabasa sa electric meter, hindi naka-eskedyul na power outage, kawalan ng aksiyon sa mga reklamo, tagilid na mga poste na mapanganib sa mga residente at ilang aroganteng mga PECO personnel.

Bagama’t 60,000 ang konsiyumer ng PECO, sinabi ni Alim na 30,000 sa mga ito ang tumutol sa PECO franchise renewal at lumagda sa petisyong kanilang naisumite sa Kamara de Representantes.

“Sana hindi balewalain ng Kamara de Representantes ang lagda ng mga lehetimong konsiyumer dahil ang reklamo ng mga ito ang siyang magpapatunay ng tunay na sitwasyon ng serbisyo ng distribution utility sa iloilo City,” dagdag pa ni Alim.