4,867 guests

Sikyu, natanggal sa trabaho, nagwala, napatay

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 107

Nagkagulo sa isang security agency sa Quezon City na nagresulta sa pagkasawi ng isang security guard
makaraang barilin nang kanyang kapwa guwardiya matapos magwala dahil sinibak sa trabaho.

Kinilala ni Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng
Quezon City Police District (CIDU-QCPD), ang biktima na si Jay Tio, 24, dating guwardiya ng RJE
Speedguard 82 Security and Investigation Agency, na matatagpuan sa 21 Pag-asa Compound, Katipunan St.,
Bgy. Old Balara, QC. Siya ay namatay noon din sanhi ng tinamong tama ng bala ng baril sa dibdib.
    
Sugatan naman ang sinaksak ni Tio na si Cirilo Pilapil, 54, security inspector, ng Block 1,
Lot 5, Phase 2, Bgy. Narra, Francisco Homes, San Jose del Monte, Bulacan. Siya ay ginagamot ngayon sa
Veterans Memorial Medical Center sanhi ng tinamong dalawang tama ng saksak sa tiyan.
    
Tumakas naman ang bumaril kay Tio na nakilalang si Mark Estanisalo, 31, staff ng security
agency, ng 21 Pag-asa Compound, Katipunan St., Bgy. Old Balara.
    
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Elario Manawan ng CIDU-QCPD, dakong alas-3:30 ng hapon
nitong Miyerkules ay dumating sa tanggapan ng RJE Speedguard 82 Security agency si Tio na nakasuot pa
ng sunglasses at tila astig at amoy alak.
    
Unang nadatnan ang kasamahang guwardiya na nakilalang si Allan Segovia, inakbayan ni Tio at
hina-nap ang isa pang kasamahang guwardiya na kinilalang si Lorenzo Magsipoc.
    
“Nasaan si Magsipoc? Ituro mo sa akin si Magsipoc para hindi ka madamay!” banta ni Tio kay
Segovia.
    
Matapos nito ay nagtungo umano si Tio sa payroll area at sinipa ang pintuan at nang makita si
Pilapil ay agad niya itong sinaksak ng dalawang beses.
    
Nang duguang bumagsak si Pilapil ay ang isa pa nitong kasamahan na kinilalang si Rolanado
Segaya ang sasaksakin sana subalit agad siyang binaril ng dalawang beses ni Estanislao.
    
Nabatid na nagbitiw sa trabaho si Tio matapos na ilagay sa ‘floating status’ ng mga
nangangasiwa sa security agency dahil sa reklamo ng kanilang kliyente.