QC cop niratrat ng RIT gunmen, sugatan

November 09, 2018

Sugatan ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) makaraang pagbabarilin  ng ‘riding-in-tandem’ suspects kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Ang biktima na kinilalang si Supt. Edgardo Ayson Cariaso, 52, may asawa, nakatalaga sa PNP International Affairs Service (IAS) sa Camp Crame at residente ng 96 Kaliraya St., Bgy. Tatalon, ay kasalukuyang ginagamot sa De Los Santos Medical Center matapos na magtamo ng mga tama ng bala ng kalibre .45 baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa imbestigasyon ni PO3 Julius Cesar Balbuena, ng CIDU-QCPD, ang pamamaril ay naganap alas-7:41 ng gabi sa harap ng Aaliyah’s Pizza na matatagpuan sa Kaliraya St., kanto ng Cluster 14, Bgy. Tatalon.

Ayon sa mga nakasaksi sa insidente, pagbaba umano ni Cariaso sa kanyang sasakyan na kulay berdeng Honda CRV (WFK-882) mula sa paradahan ay nilapitan ito ng ‘gunman’ at malapitang pinaputukan ng baril ng apat na beses.

“Papauwi na siya (Supt. Cariaso) at pagbaba niya sa kanyang kotse ay biglang sumulpot ang lalaki at bigla na lamang siyang pinagbabaril,” anang imbestigador.

Nang bumulagta ang biktima ay mabilis namang tumakas ang gunman sakay ng motorsiklo mula sa naghihintay na kasamahan nito na nagsilbing ‘lookout.’

Nasamsam ng SOCO team sa pamumuno ni Senior Insp. Archimedes Tayocnog ang limang basyo ng bala ng kalibre .45 baril. Nagsasagawa na ngayon ng ‘manhunt operation’ ang mga operatiba ng QCPD upaang matunton ang mga salarin.

Ayon sa pulisya, sinisilip nila kung may koneksyon ang insidente sa pananambang kamakalawa lamang kay PO3 Rufino Orian Gabis, 47, nakatalaga sa QCPD District Headquarters Support Unit (DHSU).

Si Gabis ay pinagbabaril din hanggang sa mapatay ng riding-in-tandem habang sakay ng kanyang puting Toyota Fortuner (ABP-5676) sa harap ng Jollibee resto sa Kalayaan Avenue cor. V. Luna Road, Bgy. Malaya, QC.