7,107

Pulis nabigo sa balak, sinagasaan ng bibiktimahin sanang abogado, todas

  • Written by Melnie Ragasa-Jimena
  • Published in Metro
  • Read: 396

Nasawi ang isang pulis matapos sagasaan ng isang abogado na balak umano niya at ng kanyang grupo na
tambangan sa northbound ng EDSA, Quezon City, kahapon ng hatinggabi.

Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) director Chief Supt. Guillermo T. Eleazar ang
abogadong tatambangan sana na si Atty. Argel Taar Cabatbat, 33, binata, ng 39 Kennedy Drive,
Pleasant View Subdivision, Bgy. Tandang Sora, Don Carlos, Quezon City.
    
Ang napatay na suspek na pulis ay si PO1 Mark Boquela Ayeras, 32, ng 128 M.H Del Pilar St.,
Santolan, Malabon City, at nakatalaga sa Northern Police District (NPD). Siya ay namatay noon din
sanhi ng tinamong tama ng bala ng 9mm baril sa kanang dibdib.
    
Sugatan naman ang isa pang suspek na kasama ng napatay na pulis na si John Paul Napoles, 27,
at naninirahan sa 5599 Don Carlos St., Bgy. 190, Pasay City. Siya ay kasalukuyang ginagamot sa East
Avenue Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala sa kanang binti.
    
Nakatakas naman ang isa pang hindi nakilalang suspek na kasama nina Ayeras at Napoles sa
bigong ambush sa abogado.
    
Sa inisyal na report, ang insidente ay naganap dakong alas-12:45 ng hatinggabi sa northbound
ng EDSA cor. Quezon Ave. malapit sa Trinoma Mall sa Bgy. Pag-asa, ng nasabing lungsod.
    
Sakay umano ang abogado ng kulay itim na Montero na may sticker no. BI 5951, kasama si Rudy
Janjan at minamaneho ng isang Ardee, nang mapansin niya ang mga suspek sakay ng dalawang motor na
parehong walang plaka.
    
Dahil sa marami nang natatanggap na banta sa buhay ang abogado ay agad na kinuha nito at
ikinasa na ang kanyang 9mm baril.
    
Hindi naman nagkamali sa kanyang hinala ang abogado dahil nang pakanan na sila ay tinabihan
ang sasakyan nila at pinaputukan ang mga ito ng mga suspek.
    
Nang duguang bumagsak sa motorsiklo ang pulis at si Napoles ay agad na tumakas ang kasamang
suspek na solo lamang sa isa pang motor.