5,590

Pedicab driver pinagtripan ng adik

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 399

PINAGTRIPANG saksakin ng isang tambay na hinihinalang bangag sa droga ang isang pedicab driver habang naglalakad papauwi kamakalawa ng gabi sa Malabon City.

Kaagad na isinugod ng mga nagrespondeng pulis sa Tondo Medical Center ang biktimang si Charlito Dagucano, 39, ng 37-1 Kaingin St., Bgy. Tinajeros.

Tinutugis na ng pulisya ang suspek na may alyas na “Dos”, ng Bgy. Tinajeros, at umano’y sugapa sa illegal na droga at inireklamo na sa ginagawang pananakit sa sinumang kanyang mapagtripan.

Sa pagsisiyasat nina PO3 Julius Mabasa at PO3 Richard Calaycay ng Malabon police Homicide Division, nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riders Unit (TMRU) sa kanto ng MH Del Pilar at Gov. Pascual Avenue dakong 11 p.m. nang may mag-ulat sa kanila ng insidente ng pananaksak sa Kaingin Street.

Kaagad nagtungo sa lugar ang mga pulis at nasalubong nila ang duguang biktima na humihingi ng tulong kaya’t kaagad nilang isinugod sa pagamutan.

Ayon kay Insp. Paul Dennis Javier, hepe ng Investigation Division ng Malabon police, nakapagbigay pa ng pahayag ang biktima bago isailalim sa operasyon at sinabing pauwi na siya matapos bumili ng sigarilyo nang bigla na lamang si-yang pagsasaksakin.