Pamilyang Bagatsing suportado si Erap

October 07, 2018

Nagpahayag ng buong pagsuporta ang grupong Asosasyon ng Barangay Kagawad (ABAKA), Asosasyon ng Nagkakaisa at Aktibong Kabataan (ANAK) at Kabalikat ng Bayan sa Kaunlaran (KABAKA) sa lahat ng mga isinusulong na programa ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada.

Ayon kay Don Bagatsing, tagapagsalita ng pamilya Bagatsing, ibubuhos ang lahat ng pwersa ng mga Bagatsing sa mga programa ni Erap para sa mga Manilenyo dahil naniniwala sila sa mga adhikain ng alkalde para makaahon sa kahirapan ang mga residente ng Maynila. 

Naniniwala si Don Bagatsing na matutupad ni Erap ang lahat ng kanyang mga programa na kanyang sinimulan para sa kapakinabangan ng mga residente ng Maynila.

Paliwanag ni Don Bagatsing, nakuha ng alkalde ang pulso ng mga Manilenyo kaya hindi umano papayag si Erap na masisira siya sa kanyang mga pangako upang guminhawa at mapaganda ang Lungsod ng Maynila.

Giit nito na prayoridad ng alkalde ang trabaho at kalusugan kaya tinututukan ni Erap ang mga walang hanapbuhay upang mabigyan ng pagkakataon na mabago ang takbo ng buhay ng mga Manilenyo.

Inihayag pa ni Don, umaabot sa mahigit 100 libong miyembro nito sa ika-anim na distrito ng lungsod kung saan matagal na itong itinatag ng pamilya Bagatsing para tulungan ang mga mahihirap na Manilenyo.