Obrero kalaboso sa 13-anyos

October 08, 2018

TINANGKANG manyakin ng isang obrero ang 13-anyos na dalagita makaraang maghubo’t-hubad sa harap ng biktima at inatasan pa ang huli na maghubad din ng kanyang kasuotan kamakalawa ng madaling araw sa Navotas City.

Kaagad na dinakip ng mga tauhan ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) ng Navotas police si Jemboy Dulugin, 26, ng Blk. 11, Lot 2, Phase 2, Area 2, Bgy. North Bay Boulevard South (NBBS), makaraang magsumbong ang out-of-school-youth na biktimang itinago sa pa-ngalang Cherry.

Sa ulat na tinanggap ni Navotas police chief Senior Supt. Brent Milan Madjaco, nakiusap umano ang suspek kay Cherry na tulungan siyang hanapin ang nawawala niyang nakababatang kapatid na barkada ng dalagita na hindi umuwi ng bahay matapos magpaalam na may pupuntahan lang na kaibigan.

Pinagbigyan naman ni Cherry ang suspek hanggang inabot ng alas-4 ng madaling araw ang kanilang paghahanap.

Gayunman, nang makarating sila sa Martiniko St., Bgy. NBBS, inaya ng suspek ang dalagita na pumasok sa isang bahay at dito na umano naghubo’t hubad ang lalaki sa harap ng dalagita na labis na nahintakutan.

Inutusan din umano ng lalaki si Cherry na hubarin niya rin ang lahat ng kasuotan subalit tumanggi ang dalagita at kahit labis ang naramdamang takot, lakas-loob na tumakbong palabas at humingi ng tulong sa mga barangay tanod at pulisya na nagresulta sa pagkaka-dakip sa suspek.

Kasong acts of lasciviousness in relation to RA 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang isinampa ng pulisya laban sa suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office.