Mister inundayan ng saksak ng umiinom ng alak na ka-live-in, ’di maghahabla

October 01, 2018

SUGATAN ang isang mister nang undayan siya ng saksak ng kinakasama matapos ang kanilang mainitang pagtatalo kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Bagama’t sugatan, nagawa pang makatakbo palabas ng kanilang tira-han sa Unit H, 5487 Sampaguita St., Bgy. Ugong, ni Reynaldo Jazmin, 51, at nagpahatid sa isang tricycle sa Pacific Global Medical Center upang ipagamot ang tinamong tama ng saksak sa kanang bahagi ng tiyan.

Sa ulat ni PO3 Laude Pillejer ng Station Investigation Unit kay Valenzuela police chief Senior Supt. David Nicolas Poklay, dumating sa kanilang bahay si Jazmin ng dakong alas-8 ng gabi buhat sa kanyang trabaho nang datnan niya ang kinakasamang si Mary Joy Tirade, 45, na mag-isang umiinom ng alak.

Nairita umano ang biktima at nabanggit ang kakapusan na nila sa pera su-balit nagagawa pang uminom ng kinakasama na naging dahilan ng kanilang pagtatalo.

Nang magtungo sa kusina si Jazmin upang kumain, natuklasan niyang walang inihandang ha-punan ang kinakasama kaya’t sa galit ay dinampot ang kutsilyo at padabog na ipinatong sa mesa.

Inakala naman ng babae na may planong masama ang biktima kaya’t dinampot niya ang kutsilyo at inundayan ng saksak ang kinakasama.

Naaresto naman ng mga nagrespondeng tauhan ng Valenzuela Police Community Precinct (PCP) 8 si Tirade subalit sa kabila ng pangyayari, umiral pa rin ang pagmamahal ng biktima sa kinakasama at sa harap ng kanyang kapatid na si Remedios, asawa nitong si Ricardo Aguilar at anak nilang si Zoren, lu-magda si Jazmin sa isang waiver na magpapatunay na wala siyang interes na sampahan ng kaso ang suspek sa paniwalang hindi lang sila nagkaroon ng pagkakaintindihan.