May sayad tumalon mula 45 palapag

September 16, 2018

NAGKALASOG-LASOG ang katawan at basag ang bungo ng 43-anyos na lalaking may kapansanan sa pag-iisip matapos tumalon sa ika-45 palapag ng isang condominium kamakalawa ng hapon sa Taguig City.

Kinilala ni Sr. Supt. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police ang biktimang si Julius Ceazar Kindangin, binata at naninirahan sa Unit 5B One McKinley, 26th St. Park West, Bonifacio Global City.

Sa ulat ng pulisya, pansamantalang nanunuluyan sa kanyang mga kaanak sa ika-42 palapag ng condominium ang biktima nang hindi namalayan ng mga kaanak na umakyat ito sa ika-45 palapag dakong alas-5:10 ng hapon at mula doon ay tumalon patungo sa kanyang kamatayan.

Inamin ng mga kaanak ng biktima sa pulisya na may kapansanan sa pag-iisip si Julius at hindi nila namalayan na lumabas ito ng condominium at umakyat sa itaas.

Nalaman na lamang nila ang pagtalon ng biktima nang puntahan sila ng security guard at sinabing nahulog sa ika-45 palapag ng condominium ang binata.

Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya upang alamin kung may foul play sa nangyaring insidente.