Marine nagsaksak sa sarili, 2 anak nasugatan sa pag-awat

September 18, 2018

Kapwa ginagamot sa isang ospital ang isang aktibong miyembro ng Philippine Marines at ang dalawa niyang anak na lalaki matapos na masugatan habang inaagaw ang hawak na patalim ng kanilang ama sa loob ng kaniyang silid sa kanilang tahanan kamakalawa ng umaga sa Quezon City.

Sa imbestigasyon ni PO2 Julius P. Raz ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), kasalukuyang ginagamot sa Quirino Memorial Medical Center si Sgt. Chalemagne Bancod Melchor, aktibong miyembro ng Philippine Marines, at ang mga anak na sina Kevin Ligaten Melchor, 24, binata, at Esteven Adams, 22, binata, ng 5-A 15th Ave., Bgy. Socorro, Cubao, QC.

Ayon kay Raz, nangyari ang insidente alas-6:25 ng umaga nu’ng September 16. Pumasok umano sa silid ng amang sundalo si Kevin upang yayain na itong mag-almusal subalit pagbukas niya ng pinto ay nakita niya si Chalemagne na may hawak na patalim at duguan na ang katawan habang sinasaksak ang sarili.

Dahil dito ay agad niyang sinugod ang amang sundalo upang agawin ang hawak na patalim subalit nasaksak ito sa tiyan. Dahil duguan na rin si Kevin ay sumigaw ito ng saklolo at pumasok ang kapatid na si Esteven.

Nang makita naman ni Esteven na kapwa duguan ang kapatid na si Kevin at amang si Chalemagne ay mabilis din nitong hinawakan ang kamay ng sundalo upang agawin din ang hawak na kutsilyo subalit maging siya ay nasaksak din.

Matapos na malaman ng kanilang ina na nakilalang si Agnes Valdez Ligaten ang pangayayari ay humingi na ito ng saklolo sa kanilang barangay at doon ay nakuha naman ang patalim na hawak ng sundalo.

Dahil duguan ang mag-aamang Melchor ay isinugod ng mga barangay officials ang mga ito sa nasabing ospital.

Masuwerte namang walang binawian ng buhay sa mag-aama at agad na nabigyang lunas ang mga tama ng patalim sa katawan.

Nabatid na ang nasabing sundalo ay sumasailalim ngayon sa medical treatment sa V. Luna Hospital dahil umano sa depresyon.

Hindi naman magsasampa ng kaso ang pamilya ng sundalo dahil kumbinsido silang aksidente lamang ang naganap na insidente.

Tagged Under