Manila North Cemetery naghahanda na sa Undas

October 05, 2018
Manila North Cemetery
Manila North Cemetery

TATLONG linggo bago ang Undas, pinaghahanda na ni Manila Mayor Joseph Estrada ang pamunuan ng dalawang sementeryo sa lungsod para sa pagdagsa ng mga kaanak na da-dalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Ayon kay Estrada, inatasan na niya sina Manila North Cemetery Director Dandan Tan at Manila South Cemetery Director Bha Bueza na ayusin na ang mga pasilidad tulad ng mga CR at kalsada upang maging madali para sa mga magtutungo sa sementeryo.

Sinabi ni Estrada na inaasahan nang mas marami ngayong taon ang magtutu-ngo sa dalawang sementeryo kaya’t mas kinakailangan ang paghahanda sa lugar.

Maging ang seguridad aniya ay kai-langang paigtingin upang matiyak na walang nakawan o gulo na mangyayari sa dalawang sementeryo.

Pinayuhan din ng alkalde sina Tan at  Bueza na ngayon pa lamang ay magpaskil na ng abiso sa gate ng sementeryo para sa mga dadayo roon sa Undas. Kabilang dito ang mga paalala na hanggang sa October 29 na lamang puwedeng maglinis at magpintura ng puntod ng mga yumao at wala munang paglilibing o cremation mula October 29 hanggang sa November 2.

Bilang isa sa pinakamalaking sementeryo sa Metro Manila na may lawak na 54 ektarya, isa ang Manila North Cemetery sa mga mahigpit na binabantayan lalo pa at taun-taon ay nadadagdagan ang mga inililibing.