Mangingisda nagbigti dahil sa maling akala

October 06, 2018

SA pag-aakalang hindi na siya babalikan ng kanyang kinakasama, nagbigti ang 37-anyos na mangingisda sa loob ng kanilang tirahan kahapon ng umaga sa Navotas City.

Patay na nang madiskubre ng kanyang kapitbahay ang biktimang si Rodolfo Torres na nakabitin, gamit ang isang kable ng kuryente sa loob ng kanyang bahay sa 91 Taquino St., Bgy. Bangkulasi dakong 6:16 ng umaga.

Sa pahayag ng testigong si Luisita Vargas, 40, kay Navotas police chief Sr. Supt. Brent Milan Madjaco, napansin niya na naka-awang ang pintuan ng bahay ng kapitbahay kaya’t sumilip siya sa loob nito at nagulat nang makitang nakabitin na ang biktima at wala ng buhay kaya’t mabilis na ipinabatid niya ito sa pulisya.

Sa pagsisiyasat nina PO2 Paul Roma at PO2 June Paolo Apellido ng Navotas police homicide section, napag-alaman mula sa kinakasama ng biktima na si Jossa Garcia na noong araw ng Huwebes, nagkaroon sila ng mainit na pagtatalo ng kinakasama kaya’t upang hindi umabot sa pananakit ang kanilang pagtatalo, ipinasiya niyang lumisan pansamantala sa kanilang tirahan.

Dalawang araw na hindi umuwi si Garcia sa piling ng kinakasama kaya’t malaki ang posibilidad na inakala niyang tuluyan na siyang nilayasan ng kalive-in kaya’t nagpasiyang kitilin na lamang ang kanyang buhay.

Gayunman, hihintayin pa rin ng mga imbestigador ang resulta ng isasagawang awtopsiya sa bangkay ni Torres upang alamin kung walang nangyaring foul play sa kanyang pagkamatay.