6,235

Malaking sindikato ng droga nabuwag ng NPD

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Metro
  • Read: 422

NABUWAG ng Northern Police District (NPD) ang malaking sindikato ng illegal na droga matapos madakip sa magkasunod na buy-bust operation ang pito katao at makumpiska ang mahigit sa P20 milyong halaga ng shabu at marijuana kahapon ng madaling araw sa Caloocan City at Bulacan.

Ayon kay NPD director Chief Supt. Amado Clifton Empiso, unang naaresto ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) at District Special Operation Unit (DSOU) sa pangunguna ni PSI Robert Bunayog sa ikinasang buy-bust operation sa Bgy. 12, Caloocan City, dakong alas-3 ng madaling araw si Eduardo Tan, alyas “Chengwa”, 32, ng 1093 Leongson Street, Bgy. San Roque, Navotas City.

Inginuso ni Tan ang kanyang mga kasama kaya kaagad nagkasa ng follow-up buy-bust operation sina PSI Bunayog sa inuupahang bahay ng mga suspek sa Baliwag, Bulacan dakong alas-6 ng umaga.

Narekober ng mga operatiba sa mga naarestong suspek ang walong kilo ng shabu na may street value na P20 milyon, dalawang kilo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana o “Cannabis Satiba” na nasa P2 milyon halaga, isang digital timbangan, isang M16 A1 Rifle, isang Sub-Machine Gun, dalawang kalibre 45 pistola, isang cal. 9mm, iba’t-ibang uri ng bala, buy-bust money at dalawang sasakyan na Expedition.